Paggantimpala ng IBP kay Duterte, ikinahiya ng mga abugado
Hindi makapaniwala ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na ginawaran ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ng “Golden Pillar of Law Award” ang dating presidente na si Rodrigo Duterte habang nahaharap siya sa mga krimen laban sa sangkatauhan International Criminal Court (ICC). Lubos din itong ikinabahala ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao (UPLM).
Ayon sa NUPL, kahiya-hiya ang paggawad kay Duterte sa gantimpala. Anito, dagdag insulto ang pagpuri sa kanyang diumano’y “natatanging” serbisyo sa propesyon ng abogasya at pagtataguyod ng katarungan, integridad, at “rule of law,” gayundin ang sinasabing “hindi matatawarang ambag” na nagsisilbing “inspirasyon sa ligal na komunidad.”
Ayon naman sa UPLM, ang pagbibigay ng parangal kay Duterte na may mahabang rekord ng pagwawalambahala sa due process ay nagbubunga ng “seryosong kwestyon sa mga pamantayang ipinapahayag ng pambansang organisasyon ng mga abugado sa bansa.” Hindi ito kumbinsido sa pusisyon ng IBP-Davao na “hindi pag-endorso” ang parangal sa mga “akto sa pulitika o personal na ideolohiya” ni Duterte. Anito, hindi maihihiwalay ang katayuan ni Duterte bilang abugado sa kanyang malalalang paglabag sa karapatang-tao.
Sang-ayon ang mga abugado na malala ang epekto ng paggantimpala kay Duterte sa tiwala ng tao sa mga nasa ligal na propesyon, laluna ang libu-libong biktima ng huwad na gera kontra-droga.
“Para sa kanila, ang parangal kay Duterte ay napakasakit at maaaring tingnan bilang pagpapatunay ng impunity na kanilang dinanas,” ayon sa UPML.