Balita

Paghahasik ng takot ng 103rd IB sa Kalinga, kinundena ng grupo ng magsasaka sa Cordillera

,

Nanawagan ang isang grupo ng mga magsasaka sa Cordillera sa 103rd IB na itigil ang militarisasyon sa mga barangay ng Pinukpuk, Kalinga na nagdudulot ng takot at pangamba sa mga sibilyan. Militarisado ang mga komunidad sa palibot ng Barangay Allaguia kasunod ng naiulat na serye ng mga engkwentro sa pagitan ng 103rd IB at Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Ayon sa Aliansa Dagiti Pesante iti Kordiliera (Apit Tako), kasakulukuyang nakakampo ang isang yunit ng 103rd IB sa Sityo Pusol sa Barangay Limos, katabi ng Allaguia. Anang grupo, delikado ang pagkakampo dahil maaapektuhan nito ang araw-araw na kabuhayan at seguridad ng mga residente laluna ng mga magsasaka.

Liban sa pagkakampo, inianunsyo mismo ng 103rd IB na nagsagawa ito ng “kampanyang impormasyon, loudspeaker operations at namahagi ng materyal sa Psychological Operations (PsyOps)” sa Barangay Allaguia noong Nobyembre 24. Ginawa rin umano ito sa Barangay Limos noong gabi ng Nobyembre 23, na ikinaligalig ng mga residente, ayon sa Apit Tako.

“Dahil may mga kaso na ang militar ng pananakot sa mamamayan, ang militarisasyong ito ay maaaring gamitin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng National Task Force-Elcac para pigilan ang kanilang mga kasalukuyang pakikibaka,” pahayag ng Apit Tako.

Ayon sa grupo, kasalukuyang naglulunsad ng pakikibaka ang mga residente ng Pinukpuk laban sa mapaminsalang Saltan Dams. Liban dito, nagkakampanya rin ang mga magsasaka sa Kalinga laban sa mababang presyo ng palay at mais.

Nagpahayag rin ng pangamba ang Apit Tako dahil sa rekord ng aerial bombing ng AFP sa Abra at Ilocos Sur noong 2024. Ayon sa grupo, kahindik-hindik ang paggamit noon ng AFP ng labis-labis na dahas at mga paglabag sa internasyunal na makataong batas. “Dapat siguruhin ng AFP na walang mangyayaring ganito sa Pinukpuk at sa mga susunod pang panahon,” ayon sa grupo.

Iginiit ng Apit Tako ang pagpapatigil sa operasyong kombat ng 103rd IB sa Pinukpuk at ang pagpapalayas sa nagkakampong mga sundalo. Katulad na panawagan rin ang inilabas ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) sa mga sundalo ng rehimeng Marcos.

Hiniling din ng CHRA sa AFP na igalang ang mga karapatan at bangkay ng naiulat na napatay nitong isang Pulang mandirigma ng BHB sa magkakasunod na engkwentro. “Mahigpit na itaguyod ang internasyunal na makataong batas,” panawagan ng grupo.

Batay sa mga ulat ng 103rd IB, anim na engkwentro na ang naganap sa Pinukpuk simula Nobyembre 21. Naghihintay pa ng ulat ang Ang Bayan mula sa BHB-Ilocos-Cordillera (Chadli Molintas Command) hinggil sa naturang mga labanan.

AB: Paghahasik ng takot ng 103rd IB sa Kalinga, kinundena ng grupo ng magsasaka sa Cordillera