Balita

Pagharang sa pagtatapos ng isang JVA sa PrimeWater, kinundena

,

Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Water for the People Network (WPN) dahil sa paglabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 66 ng San Fernando La Union ng Temporary Restraining Order (TRO), na nagpipigil sa pagtatapos sa joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Metro San Fernandro Water District (MSFWD) at PrimeWater Infrastructure Corporation.

“Ang desisyon na ito ay nagpapahina sa makatwirang aksyon ng board ng MSFWD na tapusin ang JVA nito sa Primewater na pag-aari ni Villar, na may dekada nang dami ng kaso ng palpak na serbisyo, madalas na walang tubig, hindi tumutugon na customer support, sobrang taaas ng singil sa serbisyo at kabiguan nito na magampanan ang kanyang tungkulin,” ayon sa WPN.

Mataandaang naglabas ng resolution noong Enero 2 ang board ng MSFWD para sa pre-termination ng JVA sa Primewater. Sa kabila ng ibinigay na 90 araw na palugit para magpaliwanag ang kumpanya, walang naging tugon ang PrimeWater. Noong Mayo 8 ay tinapos na ng board ang kasunduan at agad na binawi ng lokal na distrito ang pangangasiwa sa serbisyo sa tubig.

Ayon sa MSFWD, dahil sa TRO, ay obligado na pansamantalang itigil ang kanilang operasyon at mga proyekto sa rehabilitasyon tulad ng paglinis at pagkumpuni ng linya ng tubig, pagpaunlad ng panibagong pagkukunan ng tubig, pagpatayo ng mga transformer at pagdeploy ng bagong chlorinator.

“Nakalulungkot na sa kabila ng kawalan ng kapasidad ng Primewater at patuloy na kawalan ng kakayanan na panatilihin ang mga pasilidad ng MSFWD at magbigay na maasahang serbisyo, ay pinipilit pa rin nila ang kanilang kontrol, na siyang humaharang sa kinakailangan pagpapaunlad at nagpapaantala sa kalidad na serbisyo na karapatdapat na matanggap ng mga nakaasa dito,” ayon sa MSFWD.

Nagpahayag naman ng galit ang mga konsyumer sa Facebook page ng Primewater at MSWFD hinggil sa desisyon ng korte.

“Wala naman nagawa ang Primewater nung sila namamahala, ilang taon kami nagtiis sa kawalan ng maayos na suplay ng tubig tapos sila pa papanigan ng korte?!” pahayag ni Cherry.

“Hindi po namin alam kung ano ang ipinaglalaban ng Primewater, hindi nga nila magawang ayusin ang serbisyo nila sila pa ang pinanigan. Si MSFWD umaksyon agad hindi pinanigan at ngayon wala na ulit kami tubig,” pahayag ng isang nagngangalag Karen. “Pwede ba tayo magsimula ng petisyon para makumbinsi ang korte na kumilos para sa mga tao imbis na sa malalaking kumpanya?” saad naman ni Ani.

Ayon sa WFP kapag hinayaan ang Primewater na manaig sa San Fernando, magtatakda ito bilang delikadong halimbawa. Pahihinain nito ang laban ng lahat ng mga water district na naglalayong tapusin ang mapangsamantalang JVA .

Nanawagan ang WFP sa RTC Branch 66 na ipagtanggol ang karapatan ng mga konsyumer at bawiin ng TRO laban sa hakbang ng MSFWD.

“Nanawagan kami sa mga institusyon ng gubyerno na pumanig sa mamamayan at hindi sa mga ganid sa kita na mga oligarkiya tulad ng mga Villar,” ayon sa grupo. Nananawagan rin ito para sa pagtatapos sa mga kasunduan sa PrimeWater, para sa mga ahensya ng gubyerno-kabilang ang Local Water Utilities Administration, kongreso at senado—na imbestigahan ang mga paglabag nito at harapin ang kanyang mga pananagutan.

AB: Pagharang sa pagtatapos ng isang JVA sa PrimeWater, kinundena