Pagkakaisa ng mga taong-simbahan at manggagawa sa Negros, pinalalakas
Higit 100 taong-simbahan mula sa iba’t ibang Kristyanong simbahan at mga lider-manggagawa sa industriya, serbisyo at agrikultura sa isla ng Negros ang dumalo sa isinagawang ikalawang asembleya ng Church People-Workers Solidarity-Negros (CWS-Negros). Inilunsad ito noong Setyembre 16 sa St. John Paul II Center, Redemptorist Shrine, Bacolod City.
Ang asembleya, na may temang “Uphold and Defend the Human Work,” ay inilunsad para pagtibayin ang pagkakaisa at pakikiisa ng mga taong-simbahan sa mga manggagawa. Ayon pa kay Rev. Fr. Ernie Lareda, tagapangulo ng CWS-Negros, nais nilang palakasin at pasiglahin ang grupo bilang organisasyong ekyumenikal na nagtataguyod at sumusuporta sa mga manggagawa.
Naging tampok sa pagtitipon ang muling paglulunsad ng Katekismo sa Paggawa ni Bishop Gerry Alminaza, D.D., obispo ng Diyosesis ng San Carlos sa Negros at isa sa mga tagapangulo ng pambansang upisina ng CWS. Tinalakay naman sa pagtitipon ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, ang kalagayan ng mga manggagawa.
Ipinaliwanag naman ni Rev. Alicris Vasques, Iglesia Filipina Independiente, pangkalahatang kalihim ng CWS-Negros, na kabilang sa mga pagsisikap sa programang pastoral nila ang pagtatayo ng mga balangay ng CWS sa mga lokalidad, malawakang edukasyon sa Katekismo sa Paggawa, mga turo ng simbahan kaugnay sa kalagayan ng mga manggagawa, at adbokasiya sa pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng manggagawa.