Balita

Pagkontra ng mga mambabatas mula ASEAN sa reklamasyon sa Pilipinas, ikinalugod ng mga mangingisda

, ,

Ikinalugod ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang panawagan ng ASEAN Parliamentarians for Human Rights (APHR) na itigil ang mga proyektong reklamasyon sa Pilipinas dahil sa “direktang epekto nito sa pundamental na mga karapatan ng mamamayan sa mga nanganganib na mga komunidad.” Ang panawagang ito ng APHR ay kasunod ng katatapos nitong international parliamentary inquiry (IPI) sa Metro Manila hinggil sa mga industriya sa Southeast Asia at epekto nito sa karapatan ng mga mamamayan.

Humarap at nagbigay ng testimonya ang mga kasapi ng Pamalakaya sa APHR noong Oktubre 26. Iniulat ng mga mangingisda sa mga mambabatas ang malalaking proyektong reklamasyon sa Manila Bay na yumuyurak sa mga karapatang sosyo-ekonomiko ng maliliit na mangingisda at mga residente sa baybayin.

Ayon kay Ka Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya, 80%-90% ang nawala sa arawang kita ng mga mangingisda noong kasagsagan ng mga proyektong reklamasyon at pagkukwari sa dagat. Sa buong Manila Bay, mayroong 22 proyektong reklamasyon na aprubado. Sa datos ng Philippine Reclamation Authority (PRA) noong 2023, mayroong 187 kasalukuyang umiiral at aprubadong proyektong reklamasyon sa buong bansa.

“Ikinalulugod namin ang posisyon ng APHR laban sa reklamasyon. Napapanahon ang imbestigasyong isinagawa ng ASEAN body lalo sa gitna ng nararanasang epekto ng reklamasyon at dredging tulad ng pagbaba ng nahuhuling isda, unti-unting paglubog ng mga komunidad dahil sa pag-apaw ng dagat, at pinalalang epekto ng mga bagyo,” pahayag ni Hicap.

Idiniin ng Pamalakaya na isang kritikal na pagkakataon ang imbestigasyon ng APHR sa Pilipinas. Anito, inihahatid ng APHR ang isyu ng reklamasyon at pakikibaka ng mga mangingisda at mga tagapagtanggol ng kalikasan sa internasyunal na antas.

“Obligado si Pangulong Marcos Jr na pakinggan ang panawagan ng ilang mambabatas sa ASEAN na ipatigil ang mapaminsalang reklamasyon,” dagdag ni Hicap.

Ayon kay Lee Chean Chung, kasapi ng APHR at mambabatas sa Malaysia, dapat mas magsikap ang mga mambabatas, mga gubyerno at iba pang susing sektor hindi lamang para pigilan ang pagkawasak sa kalikasan kundi para tugunan ang mga usapin sa karapatang-tao na kaugnay nito.

Ang mga kasapi ng APHR na bahagi ng komite sa IPI ay sina Gabriela Rep. Arlene D. Brosas, dating mambabatas sa Malaysia na si Charles Santiago, mambabatas na si Nitipon Piwmow ng Thailand, at Lee Chean Chung ng Malaysia. Mayroong mga kinatawan sa komite ang grupong Pamalakaya, Kalikasan People’s Network for the Environment, at AGHAM.

AB: Pagkontra ng mga mambabatas mula ASEAN sa reklamasyon sa Pilipinas, ikinalugod ng mga mangingisda