Paglala ng kahirapan sa ilalim ng rehimeng Marcos, hindi guni-guni lamang

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binweltahan kamakailan ng grupong Kadamay si Larry Gadon, tagapayo ni Ferdinand Marcos sa mga usapin ng kahirapan, sa pahayag niyang “guni-guni” lamang ang kahirapan sa Pilipinas. Pagdadahilan ni Gadon, marami siyang nakikitang kumakain sa mga kainang fastfood at nagliliwaliw sa mga mall, kaya di totoong marami ang naghihirap sa Pilipinas.

“Hindi imaginary yung pagdami ng mga kababayan nating nakararanas ng involuntary hunger,” ayon kay Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng grupo, sa isang panayam. “Sa bawat footbridge, hindi lamang isa kundi mahigit lima ang namamalimos.”

“Gusto kong ipaalala kay Larry Gadon na ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ay totoo, at di produkto lamang ng imahinasyon,” ayon kay Rep. Brosas. Ang pahayag ni Gadon na hindi siya naniniwala dito ay patunay ng kanyang “incompetence” o kawalang kakayahan at dapat na sibakin na siya sa pwesto, ani Brosas.

Dagdag ng kongresista, ang totoong imahinasyon ay yung sinasabi ng gubyerno na magkakaroon ng “Bagong Pilipinas” dahil ang reyalidad ay lumalala ang kahirapan, dagdag pa niya.

Ayon naman kay Sonny Afica, executive director ng IBON Foundation, ang pahayag ni Gadon ay pagtatangka ng administrasyon ni Marcos na pabanguhin ang paghahari nito laluna’t papalapit na ang midterm elections.

AB: Paglala ng kahirapan sa ilalim ng rehimeng Marcos, hindi guni-guni lamang