Paglalabas ng Korte Suprema ng “Writ of Kalayaan,” ipinamamadali

,

Nanawagan ang Kapatid, grupo ng mga pamilya ng bilanggong pulitikal, sa Korte Suprema ngayong araw na pabilisin ang paglalabas ng Writ of Kalayaan na magpapahintulot na palayain ang mga bilanggong lubhang nangangailangan ng alibyo, laluna sa harap ng masikip na mga kulungan sa gitna ng pandemyang Covid-19. Nagtungo ang mga kaanak ng mga bilanggong pulitikal sa Korte Suprema para magsabit ng mga papel na hugis kalapati na may katagang “writ of kalayaan” kasabay ng pagsusumite ng mga liham sa korte.

Muling iginiit ng grupo ang pagpapabilis ng paglalabas ng naturang kautusan dahil sa dumadaming kaso ng Covid-19 sa New Bilibid Prison at Correctional Institute for Women. Anila, dapat itong pabilisin para bigyang alibyo at palayain ang mga matatanda at maysakit, kabilang ang pinakamatandang bilanggong pulitikal sa bansa.

“Ngayon, hinihiling namin sa Supreme Court na pabilisin ang approval at promulgation ng Writ of Kalayaan, i-convene ang technical working groups ulit para mapabilis ang proseso,” pahayag ni Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid. “Ikalawa, hinihiling namin na tulungan kami ng Supreme Court para sa pagpapalaya… ni Gerardo dela Peña, 83 years old at pinakamatandang political prisoner sa buong Pilipinas.”

Kabilang sa lumahok sa aktibidad sa harap ng korte ang dating bilanggong pulitikal na si Reina Mae Nasino, aktibistang namatayan ng bagong-silang na sanggol habang nakapiit. Pahayag ni Nasino, “sana tugunan ng Korte Suprema ang aming apela para mabigyan ng pagkakataon si Tatay Gerry na makalaya, bagay na ipinagkait nila sa akin para mailigtas ang aking sanggol.” Sampung taon nang ibinibinbin sa kulungan si Tatay Gerry sa kabila ng kanyang mga sakit at katandaan.

Anang grupo, ang kalagayan ni Tatay Gerry, sampu ng mga katulad pa niyang matanda at maysakit, ang nagdidiin kung bakit dapat ilabas na ng Korte Suprema ang Writ of Kalayaan.

AB: Paglalabas ng Korte Suprema ng "Writ of Kalayaan," ipinamamadali