Pagpapalaya kina Benito Quilloy at Rita Espinoza, iginiit

Sa darating na Oktubre 19, papasok na sa ika-6 taon ang iligal na detensyon ng reaksyunaryong estado kina Benito Quilloy at Rita Espinoza, parehong kasapi ng ng ASCENT (Assert Socio-Economic Initiatives Network). Ang ASCENT ay network ng mga organisasyong nagtataguyod sa karapatan sa kaunlaran.

Sina Quilloy at Espinosa ay hindi makatarungang inaresto ng mga pwersa ng estado noong Oktubre 19, 2017 sa Kabankalan City, Negros Occidental. Pinosasan, piniringan at dinala sila sa Camp Alfredo Montelibano sa Bacolod City. Matagal silang pinagkaitan ng ligal na representasyon. Kasalukuyan silang nakakulong sa Butuan City Jail batay sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives. Si Quilloy ay sinampahan ng kasong pagpatay at tangkang pagpatay.

Habang lubos na nangungulila sa kanilang mga pamilya, kaibigan at katrabaho, tuloy ang mga pagsisikap ni Ben at Rita sa kulungan para isiwalat ang kahirapan ng mamamayan at tumulong sa kanilang kapwa mga detenido. Sa bahagi ni Rita, aktibo siya sa pagtulong sa mga kababaihang bilanggo sa mga proyektong magdadala ng kaunting kita, tulad ng paghahabi ng mga basket.

Si Ben ay patuloy na nagsusulat ng mga kwento at tula na nagsasalamin sa mga realidad sa lipunan. Katunayan, sa Oktubre 19, ilulunsad ang pangalawang libro na isinulat niya sa loob ng kulungan. Ang librong “Si Ineng at Si Labuyo: Tala’t mga Tula” ay resulta ng pagsisikap ng kanyang pamilya, mga kaibigan at katrabaho na nagbigay ng materyal at lakas para mailathala ang libro. Ang una niyang libro ay pinamagatang “Pandayan ng Paninindigan Pagbisita at mga Tula ng Pakikibaka” ay may katulad na tema.

Kapwa mga senior citizen na noong sila ay inaresto, sina Ben at Rita ay unang nasangkot sa mga usaping panlipunan noong mga estudyante pa sila sa panahon ng diktador na si Marcos. Si Ben ay naging aktibo sa mga isyu ng kabataan at estudyante sa University of the Philippines-Los Banos kung saan kumukuha siya noon ng kursong BS Sugar Technology. Si Rita naman ay tumulong sa pag-oorganisa ng mga kabataan pagkatapos niya ng hayskul at naging boluntir ng Rural Missionaries of the Philippines.

AB: Pagpapalaya kina Benito Quilloy at Rita Espinoza, iginiit