Pagpapalaya sa mamamahayag at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, iginiit sa korte sa Tacloban
Matapos ang mahigit apat na taong pagkakakulong, iniharap sina Frenchie Mae Cumpio at Mariel Domequil sa korte sa unang pagkakataon noong Nobyembre 11 para dinggin ang kanilang mga salaysay at pabulaanan ang akusasyon laban sa kanila. Nahaharap sila sa mga gawa-gawang kaso ng illegal posession of firearms at terrorism financing.
Sina Cumpio at Domequil ay kabilang sa tinaguriang Tacloban 5 o limang aktibistang iligal na inaresto sa Tacloban City noong Pebrero 2020. Si Cumpio ay isang community journalist ng Eastern Vista habang si Domequil ay isang humanitarian worker ng Rural Missionaries of the Philippines. Ang iba pang inaresto kasabay nila ay sina Marissa Cabaljao na tagapagsalita ng People Surge Network, Mira Legion na myembro ng Bayan-Eastern Visayas at Alexander Phillip Abinguna ng grupong Karapatan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, tumestigo si Cumpio kaugnay sa ginawang reyd ng mga pwersa ng pulis at 802nd IB sa upisina ng Eastern Vista kung saan siya inaresto kasama si Domequil.
Sa kanyang salaysay, ikinwento niya ang sapilitang pagpasok ng mga pwera ng estado sa kanilang upisina, pagpadapa sa kanila ni Domequil sa sahig habang hinalughog ng mga pulis ang kanilang tinulugang kwarto. Walang ipinrisentang mandamyento ang mga pulis, at hindi rin sila nagpakilala. Pinabulaanan ni Cumpio ang paratang ng militar na mayroong nakuhang mga armas sa kanilang kwarto. Hindi rin siya myembro ng Partido Komunista o Bagong Hukbong Bayan. Aniya, bago pa man siya inaresto, nakaranas na siya ng matinding sarbeylans at panggigipit.
Isinumite ni Cumpio sa korte ang kanyang media ID at mga resibo ng pagpapatakbo ng lokal na programa sa radyo. Ang programa at si Cumpio mismo ay bahagi ng Altermidya, ang alyansa ng independyenteng mga mamamahayag at organisasyong midya.
Bumuhos ang suporta para kay Cumpio sa kauna-unahang pagkakataon na binigyan siya ng pagkakataong depensahan ang sarili. Naglunsad ng protesta ang mga myembro ng Altermidya pareho sa Tacloban City at sa Metro Manila para ipanawagan ang pagbasura ng mga kaso laban sa Tacloban 5 at kagyat na paglaya nina Cumpio, Domequil at Abinguna. (Sina Legion at Cabaljao ay pansamantalang pinalaya matapos payagang magpyansa noong 2020.)
Ayon sa kanyang kapwa mamamahayag, malinaw na kinasuhan at matagal na ikinukulong si Cumpio dahil sa kanyang trabaho at mga aktibidad bilang mamamahayag.
Katulad din nito ang panawagan ng mga grupo ng mamamahayag tulad ng National Union of Journalists of the Philippines, International Association of Women in Radio and Television, Reporters without Borders, Freedom Now at Women Press Freedom. Suportado rin ang panawagan ng mga lokal at internasyunal na mga grupo sa karapatang-tao tulad ng Human Rights Watch at Committee to Protect Journalists.
Nanawagan rin ng hustisya para kay Cumpio si Irene Khan, ang UN Special Rapporteur on freedom of opinion and expression, na bumisita sa kanya noong maagang bahagi ng taon.