Pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, ipinanawagan ng mga grupo sa karapatang-tao
Nagprotesta ang mga grupo sa karapatang-tao sa harap ng Department of Justice sa Maynila noong Disyembre 3 para ipanawagan ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa. Sa pangunguna ng Karapatan at Samahan ng nga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), grupo ng mga dating bilanggong pulitikal, itinaon ang pagkilos sa Pandaigdigang Araw ng Pakikiisa sa mga Bilanggong Pulitikal.
Ang mga bilanggong pulitikal ay mga indibidwal na nahuli, ipiniit, at inakusahan ng gubyerno dahil sa kanilang mga paniniwala, aktibidad, o paninindigan na kritikal o salungat sa gubyerno. Kadalasan, sila ay mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatan, o bahagi ng mga organisasyong masa na itinuturing na banta ng estado.
Sa Pilipinas, maraming bilanggong pulitikal ang ikinukulong gamit ang gawa-gawang mga kasong kriminal, ayon sa mga grupo sa karapatang-tao. Madalas ring sadyang pinababagal ng estado ang proseso ng paglilitis para patagalin sila sa kulungan. Ginagawa ang mga ito para supilin at patahimikin ang kanilang pakikibaka.
Sa huling datos ng Karapatan, mayroong 696 bilanggong pulitikal sa Pilipinas kung saan 302 ang nasa Mindanao, 243 sa Luzon, at 97 sa isla lamang ng Negros. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, hindi bababa sa 163 ang inaresto at naging bilanggong pulitikal.
Sa kabuuang bilang na 696, 136 ang kababaihan, 93 ang matatanda, at 89 ang maysakit. Mayroong ding nakakulong na 12 konsultant at istap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Ayon kay Adora Faye de Vera, tagapagsalita ng SELDA, karamihan sa mga bilanggong pulitikal sa bansa ay mga magsasaka, organisador ng manggagawa, tagapagtanggol sa karapatang-tao at mga manggagawang pangkaunlaran. Aniya, kinasuhan ang mga ito sa batayan ng paghihinala na mayroon silang kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.
Dagdag ni De Vera, naging tampok sa ilalim ng rehimeng Marcos ang paggamit sa mga batas tulad ng Anti-Terror Act at the Terrorism Financing Prevention and Suppression Act para ikulong ang mga bilanggong pulitikal. Hindi bababa sa 30 bilanggo ang nakadetine sa batayan ng mga kasong ito.
Sa pagtatapos ng protesta, nagpahayag ng suporta ang Karapatan at SELDA sa mga inisyatiba at aktibidad ng mga bilanggong pulitikal sa bansa. Inihayag rin nila ang pagpapatuloy sa kanilang kampanya para palayain ang mga bilanggong pulitikal, itigil ang kriminalisasyon sa pagtutol at pagpapataw ng hustisya sa mga pwersa ng estado na lumalabag sa karapatang-tao. Nakiisa sa mga panawagang ito ang International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP).
Samantala, pinangunahan ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS), internasyunal na grupong sumusuporta sa NDFP at pambansa-demokratikong rebolusyon, ang panawagan para palayain ang mga konsultant at istap ng NDFP na nakakulong. Ayon sa FFPS, ang pagkukulong sa kanila ay paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
“Ang detensyong ito ay hindi lamang lumalabag sa kanilang batayang mga karapatan kundi sumisira rin sa proseso ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP,” ayon sa FFPS. Malinaw umanong ipinakikita ng mga hakbang na ito ng GRP ang kawalang sinseridad sa pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa bansa.