Pagpapanagot sa mga pulis na sangkot sa Blood Sunday sa Southern Tagalog, nagpapatuloy

Nagsampa ng counter-affidavit noong huling linggo ng Hulyo ang tagapagtanggol sa karapatang-tao na si Nimfa Lanzanas laban sa mga pulis na umaresto sa kanya at iba pa sa binansagang “Bloody Sunday” ng mga aktibista sa Southern Tagalog. Noong Disyembre 2022 pa siya nagsampa ng kontra-asunto ng grave misconduct at pag-abuso sa kapangyarihan laban sa mga pulis na umaresto sa kanya.

Noong Hulyo 26, nagtungo sa Office of the Ombudsman sa Quezon City si Lanzanas para tugunan ang pahayag sa korte ni PGen Cosme Abrenica na nagsasabing ang mga akusasyon ni Lanzanas ay “pawang produkto lamang ng kanyang imahinasyon.” Sinundan nito ng isa pang tugon si Lanzanas noong Hulyo 31 laban naman kina PSSg Eugenio Ilagan at PMaj Adrian Cayabyab na kabilang din sa mga nang-aresto sa kanya.

“Nakikiisa kami kay Nimfa Lanzanas sa paghahain ng kanyang affidavit, na kanyang paglaban sa labis na pag-iimbento at manipulasyon sa batas laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao,” pahayag ng Defend Southern Tagalog.

Nauna nang ibinasura ng korte ang mga gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms and explosives laban kay Lanzanas noong 2021 dahil sa hindi kapani-paniwalang pahayag ng mga pulis at kanilang bayarang saksi.

“Paanong ang isang matandang babae na may mahabang kasaysayan ng gawain sa karapatang-tao, at nasa isang prubinsya para tumulong sa isang operasyong relief para sa mga pamilyang apektado ng aerial bombing sa prubinsya ng Quezon, ay nasa kanyang ‘bahay’ para magpresenta ng armas sa isang potensyal na bibili? Ang pinalalabas pa ngang bahay ni Lanzanas ay sa kanyang kapit-bahay,” ayon pa sa grupo.

“Kailangang lumaban para bigyang hustisya ang mga biktima ng Bloody Sunday Massacre at lahat ng pinatay ng kapulisan. Tuloy-tuloy ang paglaban. Hindi po ako titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya!” pahayag ni Lanzanas.

Giit ng mga grupo sa karapatang-tao na kagyat aksyunan ng Ombudsman ang kanilang mga isinampang kaso. Anang grupo, dalawang taon nang pinagkakaitan ng hustisya ang mga pamilya at biktima at napapanahon na ngayon na papanagutin ang mga sangkot.

AB: Pagpapanagot sa mga pulis na sangkot sa Blood Sunday sa Southern Tagalog, nagpapatuloy