Pagpapangalan ng isang unibersidad kay Marcos Sr, binatikos

,

Tinutulan ng mga biktima ng batas militar at kabataan ang planong pagpapalit-pangalan ng isang state university sa Batac, Ilocos Norte tungong Ferdinand E. Marcos State University. Isinusulong ang pagpapalit-pangalan sa House of Representatives at naipasa sa antas-komite noong Agosto 16.

“Ito ay walang-hiyang tangka na pabanguhin ang sirang pangalan ng diktador na si Ferdinand E. Marcos Sr,” ayon kay Danilo dela Fuente, vice chairperson ng grupong Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA).

Ang panukala ay isinumite ni Rep. Angelo Marcos Barba, pamangkin ni Marcos Sr. Sa nangyaring botohan sa komite, tanging si Rep. Raoul Manual ng Kabataan Partylist ang tumutol (sa botong 7-1) sa naturang panukala. Ayon kay Rep. Manuel, “taliwas ang ganitong panukala sa esensya ng ilang mga aksyong ligal at kautusan (executive order) na kumikilala sa mga pag-abusong ginawa ni Marcos Sr sa mamamayang Pilipino.”

Dagdag ni Rep. Manuel, “hindi natin maipapaliwanag sa kabataan, at mamamayang Pilipino, kung paano kinikilala ng gubyerno ang mga abuso ng batas militar pero sa kabilang banda ay may mga hakbang tayo para makatulong na linisin ang reputasyon ni Marcos Sr sa pagpapangalan sa gantong unibersidad.”

Dagdag pa ni Manuel, “hindi dapat ituring na pagmamay-ari ng isang pamilya ang mga state university and college.”

Habang nasa pagdinig sa komite at nagpapaliwanag ng kanyang pagtutol, ipinakita ni Rep. Manuel ang litrato ng mga kabataang pinatay sa ilalim ng Martial Law ni Marcos Sr. Ayon sa mga ulat, walang kongresistang nakipagdebate sa mga puntong nilatag ni Rep. Manuel at sa halip ay “noted” lang ang pagtutol.

Nagpahayag din ng pagtutol sa naturang panukala ang ilan sa mga alumni ng naturang state university. Gayundin, ipinabatid ng CARMMA (Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law) at National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang kanilang pagkontra sa panukala.

Samantala, nangako si dela Fuente ng SELDA, na patuloy silang kikilos para pigilan ang “karumal-dumal na tangka ng mga Marcos na pabanguhin ang kanilang kakila-kilabot na reputasyon at baluktutin ang kasaysayan.”

“Hindi ito ang panahon para mag-atubili at matakot… mahigpit naming tinututulan ang hakbang na ito. Dadalhin namin ang aming pagtutol hindi lang sa Kongreso kundi maging sa ibang pampublikong espasyon,” saad ni dela Fuente.

AB: Pagpapangalan ng isang unibersidad kay Marcos Sr, binatikos