Pagpapatalsik kay bise-presidente Sara Duterte, pagpapanagot sa kanyang ama, muling ipinanawagan
Muling nananawagan ang mga demokratikong organisasyon sa Kongreso na isagawa ang impeachment o pagsasakdal kay Sara Duterte bilang bise presidente matapos ang kanyang pagwawala noong Nobyembre 23. Kasabay ng pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong Nobyembre 25, nagprotesta sa harap ng Batasan Complex ang iba’t ibang mga organisasyon para ipanawagan ang pagpapanagot sa bise presidente sa paglulustay niya sa kaban ng bayan. Humarap sa pagdinig na ito ang bise presidente at kanyang pinakamalalapit na upisyal.
“Tuluy-tuloy tayong pinaaandaran ng drama ni Sara Duterte sapagka’t ang tunay na isyu naman ay ang paglustay niya ng confidential funds at pagharang sa mga isinasagawang imbestigasyon sa mga anomalyang ito,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno.
“Dapat papanagutin si Sara Duterte sa maanomalya niyang paggamit sa confidential funds sa 2022 at 2023,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan. “Sapat na ang batayan para maghapag ng reklamong impeachment laban sa kaya at asuntong pandarambong sa pagwawaldas niya ng kaban ng bayan.”
“Hindi pwedeng gamitin ng bise presidente ang pamumulitika para ilusot ang kanyang pandarambong,” ayon sa Kilusang Magbubukid sa Pilipinas. “Walang anumang pagdadrama o pagtuturo sa iba ang magsasalba sa kanya.” Sa mata ng mga magsasaka, “guilty” si Duterte sa pandarambong at betrayal of public trust.
Panawagan din ng Bayan sa Kongreso na obligahin si Duterte na magtuos sa iligal na paggastos ng pondo at itakwil ang panukala ng ilang senador na ibalik ang buong hinihinging badyet ng kanyang upisina.
“Sa nakaraang linggo, malisyosong tinangka ng mga Duterte na ilihis ang atensyon sa pamamagitan ng paggawa ng sensational na mga pahayag at madramang mga palabas.”
Tinutukoy nito ang pagwawala ni Sara Duterte matapos tangkain ng Kongreso na ilipat ang kanyang chief-of-staff na si Zuleika Lopez mula sa detensyon sa Kongreso tungo sa kulungan ng kababaihan sa Mandaluyong City. Sa pagwawalang ito ni Duterte, sinabi niyang ikinontrata na niya ang pagpatay kay Ferdinand Marcos Jr, asawa nitong si Liza Araneta at pinsang si Martin Romualdez sakaling mapatay siya. Ang mga dramatikong pahayag na ito ay pinaiimbestigahan ng pangkatin ng pangulo.
Kasabay ng panawagang i-impeach si Sara Duterte, panawagan rin ng mga grupo ang pagsasampa ng mga kaso at paglilitis sa dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Hindi dapat mabalam ng pulitikal na pagbabangayan ng mga kampong Marcos at Duterte ang pagkamit ng hustisya,” ayon sa Bayan. “Dapat agad na ihain ang mandamyento de aresto laban kay Rodrigo Duterte, habang isinasampa ang mga kriminal na kaso sa mga heneral ng Tokhang at iba pang matataas na upisyal na sangkot sa mga ekstra-hudisyal na pamamaslang.”
Habang nananawagan ang grupo sa pagpapanagot sa mga Duterte, kinukundena rin nito ang rehimeng Marcos sa sarili nitong malalalang paglabag sa karapatang-tao at marangyang pamumuhay gamit ang nakaw na yaman mula sa estado.
Pinatatampok ng tumitinding gitgitan sa pagitan ng mga naghaharing pangkatin ang bangkaroteng pulitika sa bansa na pinaghaharian ng mga korap na dinastiya at oligarkiya, ayon sa grupo. “Salamin ang kanilang matakaw na pagmamaniobra para kopoin ang kapangyarihan at magkamal ng yaman ng pagkubabaw ng burukrata-kapitalismo.”
Tulad ng mga Duterte, bilyun-bilyong pondo rin ang kinokopo ni Marcos na “presidential pork” sa anyo ng “unprogrammed funds” at confidential and intelligence funds.
Nanawagan ang Bayan sa mamamayang Pilipino na magpunyagi sa pagtatakwil sa paghahari ng mga dinastiya at tiraniko at isulong ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya sa bansa.