Balita

Pagpapatayo ng kampo sa baryo sa Northern Samar, napatigil ng mga residente

,

Napaatras ng mga residente ng Barangay Imelda, Las Navas, Northern Samar ang plano ng mga tropa ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng 20th IB na magtayo ng kampo militar sa komunidad. Mahigpit na ipinahayag ng mga residente ang pagtutol sa isang asembleya noong Marso 17.

Noong 2024 pa unang lumutang ang balita na magtatayo ng kampo militar sa Barangay Imelda. Noong Marso 15, muling inianunsyo ng 20th IB ang planong ito nang hindi idinidetalye ang eksaktong lokasyon ng kampo militar. Ipinag-utos rin nila ang pangangalap ng kahoy at ibang materyales sa tabing ng civic action o CIVAC ng militar. Tinatawag ito ng mga residente bilang “sibak.”

Sa araw ng “pagpapasibak,” nalaman ng mga residente na itatayo ang kampo sa isang burol sa itaas ng isang sityo. Wala pang 50 metros ang distansya nito mula sa huling bahay, taliwas sa itinatakda ng internasyunal na makataong batas na minimum na distansyang 500 metros mula sa komunidad ng mga sibilyan.

Partikular na nakasaad rin ang mga patakaran hinggil sa kampo militar sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Isa itong kasunduang pinirmahan ng mga panel sa negosasyon ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines noong Marso 16, 1998 sa The Hague, The Netherlands na partikular na nakatuon sa mga eryang maryoong armadong sigalot.

Ayon sa Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 12 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon ay may karapatang mapangalagaan laban sa mga risgo at bantang nagmumula sa pag-iral ng mga kampo militar sa mga sentrong urban at iba pang matataong lugar.”

Sa labis na galit sa panloloko ng mga sundalo, hindi na ipinagpatuloy ng mga residente ang “pagsisibak.” Dahil dito, natulak ang tropang RCSP na muling magpatawag ng asembliya. Naging perwisyo pa ito sa mga magsasaka dahil hindi nakapunta at nakapagtrabaho sa bukid dahil sa asembliya.

Paisa-isang nakipag-agawan ng mikropono mula sa mga sundalo ang mga residenteng nais magpahayag ng pagtutol sa kampo. Anila, pinangangambahan nilang madamay sa mga labanan, laluna ang kabataan, at matamaan ng mga bala at bomba ang kanilang mga bahay. Pinangangambahan din nila ang mas matinding panggigipit sa hanapbuhay dahil sa magiging permanenteng presensya ng militar.

Sa paggigiit ng mga residente, napilitan ang militar na isara ang usapin sa pamamagitan ng botohan. Pinahanay ang mga residenteng sang-ayon sa pagkakampo sa isang bahagi ng plasa, at ang mga tutol dito sa kabilang bahagi. Tatlong tao lamang ang sumang-ayon sa pagkakampo.

Sa kahihiyan, kaagad tinapos ng mga pasista ang asembliya. Sinuspinde rin nila ang patakaran ng pagpapa-“logbook” sa araw na iyon. Ang pasistang patakaran ng pagpapa-logbook ay kinatatangian ng pagpapalista sa mga residente sa lahat ng mga aktibidad nila at pupuntahang lugar sa araw-araw.

Sa kabila ng pagbasura ng mga residente sa planong kampo militar, nagkakampo pa rin ang mga armadong tropa ng RCSP sa bahay ng mga sibilyan sa baryo. Ipinagpatuloy rin nito ang pagtatayo ng kampo sa labas ng barangay pero malapit pa rin sa daanan patungo sa bayan.

Sa nagdaang mga buwan, nagpapataw ang 20th IB ng iba’t ibang mapanupil na mga patakaran sa Barangay Imelda. Kabilang dito ang mga patakarang pagpapa-logbook, karpyu, paglilimita sa binabaong pagkain at bukid na pupuntahan, sapilitang pagpapasuko, interogasyon at pagrerekrut ng mga aset, at pag-ooperasyon sa mga sakahan.

Ang panunupil at terorismong militar ay nagresulta sa pagbagsak ng produksyon at pagkitid ng mga bukid at kaingin. Maayos lamang na nakakapagtanim ang mga residente tuwing umaalis ang militar sa kanilang mga komunidad.

—may mga ulat mula sa Larab, rebolusyonaryong pahayagang masa ng Eastern Visayas

AB: Pagpapatayo ng kampo sa baryo sa Northern Samar, napatigil ng mga residente