Pagpapaulan ng bala ng 80th IB sa gitna ng mataong komunidad sa Laguna, kinundena
Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao at mga residente ang walang patumanggang pamamaril ng mga sundalo ng 80th IB sa gitna ng mataong komunidad sa Barangay Bacong Sigsigan, Famy, Laguna noong Nobyembre 28. Walang pagsasaalang-alang sa kaligtasan at karapatan ng mga sibilyan ang mga berdugo ng 80th IB.
Habang nagpapaulan ng bala ang mga sundalo gamit ang mga matataas na kalibre ng armas, dinig na dinig ng mga residente ang mga pasistang elemento na sumisigaw na “padapain ang bata at wag patakbuhin” at “igapos”. Nagdulot ito ng malalim na sikolohikal na troma sa mga bata at kahit sa iba pang mga saksi sa pamamaril ng 80th IB.
Ang pamamaril at pagpatay ng mga sundalo sa mga sibilyan ay tahasang paglapastangan sa mga internasyunal na makataong batas, mga batas ng digma at iba pang internasyunal na deklarasyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at di-kombatant saan man may armadong sigalot.
Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Anito “…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation (pagputol sa anumang bahagi ng katawan) …kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”
Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.
Sa harap nito, nanawagan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Laguna (Cesar Batralo Command) sa mga mamamayan ng Famy na magkaisa at ilantad ang krimen na ito ng 80th IB. “Patunay ang pangyayari sa lumalalang terorismo ng estado at paghahari ng pasismo at de facto martial law sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II,” pahayag ni Ka Magdalena Kalayaan, tagapagsalita ng yunit.