Balita

Pagpirma ni Marcos sa badyet pang-2025, binatikos

,

Nagtipon sa Mendiola ang mga myembro ng Makabayan at ibang progresibong grupo ngayong araw, Disyembre 30, para kundenahin ang pagpirma ni Ferdinand Marcos Jr sa badyet 2025. Anila, ang badyet na ito ay “puno ng kaltas sa serbisyo habang pinanatili ang pork barrel ng mga pulitiko.” Tinututulan din nila ang kaltas sa serbisyo, pinalaking pork barrel at pondo para sa kurapsyon.

Matapos ang isang linggong “gpagsuyod,” pinirmahan ni Marcos ang ₱6.33 trilyon badyet nang halos walang pagkakaiba sa ipinasa ng bicameral committee noong Disyembre 10. Ang tanging tinanggihan niyang ipasa ay mga proyektong imprastrukturang nagkakahalaga ng ₱194 bilyon mula mahigit ₱1.2 trilyong badyet para sa mga ito.

Tinanggal ni Marcos ang napakaliit na ₱26 bilyon sa ilalim ng Departmnent of Public Works and Highways at ₱168 bilyon mula sa unprogrammed funds. Ito ay para lamang palabasin na mas malaki ang badyet ng Department of Education na siyang itinatakda ng Konstitusyong 1987. Sa badyet na nilagdaan, napakaliit ng agwat ng badyet ng edukasyon na nasa ₱1.053 trilyon (lakip ang badyet ng DepEd, CHED, mga pampublikong unibersidad at iba pa) at ang badyet para sa DPWH na nasa ₱1.034 trilyon.

Hindi ibinalik ang badyet ng DedEd para sa digitalization at bawas pa rin ang badyet para sa serbisyong pangkalusugan, mga pampublikong ospital, pondo para sa panahon ng kalamindad at iba pa. Nananatali ring zero o walang nakalaang badyet para sa Philhealth.

Hindi binawasan ni isang sentimo ang ₱4.5 bilyong confidential at intelligence funds ng upisina ng presidente.

Para ilusot ang pondong pork barrel sa anyo ng AKAP at ibang programang pang-ayuda, ipinailalim ni Marcos ang mga ito sa “kundisyunal na pagpapatupad.” Isinailalim niya ang AKAP sa upisina ng kalihim ng DSWD Special Program at itinakdang ipatutupad alinsunod sa “mahigpit na mga alituntunin” na sama-samang ilalabas ng DSWD, DOLE at NEDA. Ipinailalim niya sa parehong upisina ang “Payapa at Masaganang Pamayanan Program,” katuwang ang OPAPRU. Sampu pang “line item” ang inilagay ni Marcos sa upisinang namamahala sa mga “espesyal na programa.”

“Marami pang paandar itong si Presidente Marcos na kesyo ni-review ang budget na pinasa ng bicam. Pero ang totoo, ang 2025 budget gaya ng mga nakaraang budget ay hindi para sa pag-unlad ng bansa at ginhawa ng taumbayan,” ayon kay Liza Maza, presidente ng Makabayan at kandidato pagkasenador nito. Kinutya niya ang tema ng badyet “Agenda for Prosperity: Fulfilling the Needs and Aspirations of the Filipino People.”

“Baka dapat ang tema ay Agenda for Profits: Fulfilling the Needs of Trapos and Big Business. Kasi puro pagkakakitaan ng mga pulitiko at negosyo ang nakita ko sa spending program,” aniya. “Bilyun-bilyon para sa infrastructure projects na numero unong source ng kurakot ng mga trapo. Infrastructure projects na hindi naman tumutugon sa ating actual development needs at pagtutubuan lang ng mga nagpautang na bangko at private contractors at operators.”

“2025 budget dapat diretso sa serbisyo hindi sa bulsa ng mga pulitiko!” sigaw naman ng Bayan Muna. Panawagan nila ang pagtanggal ng lahat ng tipo ng pork barrel at confidential funds.

“Bigyan ng prayoridad ang panlipunang serbisyo sa badyet!” panawagan ng Courage. Iginiit ng grupo ang pagbabalik ng pondo ng Philhealth at Dynaslope Project, ang sistemang nagsisilbi sa maagap na pagbabala laban sa pagguho ng lupa.

AB: Pagpirma ni Marcos sa badyet pang-2025, binatikos