Balita

Pagpunta ni Imee Marcos sa UP Diliman, sinalubong ng protesta ng mga kabataan

,

Kaagad nagrotesta at tumungo sa Bahay ng Alumni sa University of the Philippines (UP)-Diliman ang mga grupo ng kabataan nang nalaman nilang ang pagdating sa kampus ng anak ng diktador na si Imee Marcos kaninang tanghali, Pebrero 2. Kinalampag at binatikos nila ang “National Assembly and Unification Summit” na inilunsad ng People’s Progressive Humanist Liberal Party (PolPHIL) na dinaluhan ni Imee.

Ayon sa mga ulat, nalaman ng mga estudyante na darating si Imee sa kampus kaninang umaga matapos makita ang presensya ng napakaraming tauhan ng Philippine National Police (PNP) at ang isang malaking tarpolin na nakalagay ang kanyang mukha.

“Hindi welcome sa UP si Imee Marcos at ang PNP!” pahayag ng UP Diliman University Student Council (USC). Anila, ang marahas at pasistang kasaysayan ng mga Marcos at ng PNP ay lubhang paglapastangan sa espasyo ng UP at akademikong kalayaan nito.

Tinawag naman ng League of Filipino Students (LFS)-UP Diliman ang pagpunta ni Imee sa UP bilang bahagi ng kampanya ng “historical revisionism” at pagpapakalat ng “fake news” ng pamilyang Marcos. “Huwad ang pagbabagong pinapakalat ni Imee Marcos at huwad ang kabaitang ipinapakita niya sa kanyang mga political ads na milyun-milyon ang halaga,” ayon sa grupo.

Si Imee ay isa sa mga kumakandidatong senador sa eleksyong 2025. Malaking halaga na ang ibinuhos ng pamilyang Marcos at ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr para sa kanyang kandidatura.

“Sa paparating na eleksyon, huwag natin kalimutan ang inutang na dugo ng pamilyang Marcos. Huwag natin kalimutan ang perang ninakaw at ninanakaw ng kanilang pamilya,” panawagan ng LFS-UP Diliman sa mga kapwa kabataan.

Pininturahan ng mga kabataan ang tarpolin ni Imee sa naturang aktibidad. Sinulatan nila ito ng isang malaking katagang “wag iboto” at kinabitan ng istiker na “magnanakaw.”

AB: Pagpunta ni Imee Marcos sa UP Diliman, sinalubong ng protesta ng mga kabataan