Balita

Pagpupulong ng mga nagsampa ng reklamong impeachment kay VP Sara Duterte, inaasikaso ng Makabayan

,

Inianunsyo ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro noong Enero 2 ang plano ng Makabayan sa kongreso na tipunin ang mga grupo at indibidwal na nagsampa, at mga mambabatas na nag-endorso, ng reklamong impeachment kay Vice President Sara Duterte. Pangungunahan ng mambabatas ang naturang pulong sa harap ng tatlong reklamong impeachment na isinampa ng iba’t ibang mga grupo at sektor noong Disyembre 2024.

“Kami ay nagbabalak na magpatawag ng pulong [para] magkaroon ng pagsisikap para maitulak natin ang Marcos adminsitration at House leadership para ituloy na itong impeachment,” ayon kay Rep. Castro. Kabilang ang kinatawan sa tatlong mambabatas ng Makabayan Bloc sa kongreso na nag-endorso sa ikalawang reklamo na inihain ng 74 organisasyon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Disyembre 4, 2024.

Nakabatay ang reklamo sa “betrayal of public trust” o pagtataksil sa tiwala ng publiko na nakatuntong sa tatlong usapin: 1) ang pag-abuso, maling paggamit at pagwawaldas sa ₱612.5 milyon na confidential funds; 2) sistematikong pagtatakip sa krimen sa pamamagitan ng gawa-gawang mga ulat, resibo at dokumentong isinumite sa Commission on Audit (COA), at 3) sadyang pagharang sa imbestigasyon at pagbusisi ng Kongreso.

Kalakhan ng mga detalye ng pagtataksil na ito ay lumitaw sa mga pagdinig na isinagawa ng Committe on Good Governance and Accountability ng Kongreso na bumusisi sa paggastos ni Sara Duterte sa pondo ng Office of the Vice Presidente (OVP) at Department of Education (DepEd). Naging sentro ng pagdinig ang maanomalyang paggamit ng confidential and intelligence funds (CIF) ng dalawang upisina.

Nagpahayag na ng kahandaang sumalubong sa pulong na ipapatawag ni Rep. Castro ang ikatlong grupo na naghain ng impeachment. Ayon kay Atty. Amando Virgil Ligutan, kinatawan ng grupo, “dahil pareho ang aming adhikain, bakit hindi…bukas kaming makipagpulong sa kanila.”

Ang ikatlong reklamo ay inihain ng mga taong-simbahan, abugado at iba pang non-government organizations at inendorso nina Rep. Gabriel Bordado at AAMBIS-OWA Party-list Rep. Lex Anthony Colada noong Disyembre 19, 2024. Ang unang reklamo ay inihain ng 16 na mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon at inendorso ng party-list na Akbayan.

Liban sa mga ito, ibinahagi ng pangkalahatang kalihim ng House of Representatives na mayroong mga kongresistang nagbabalak pang maghain ng ika-4 na reklamo. Ang Kongreso ay nakatakdang magbalik sesyon sa Enero 14 kung kailan posibleng isumite ang naturang reklamo.

Sa ilalim ng konstitusyon, kailangan isumite ng pangkalahatang kalihim ang impeachment sa tanggapan ng House Speaker sa loob ng 10 araw ng sesyon matapos itong matanggap at dapat isama sa “Order of Business”. May tatlong araw ng sesyon naman para maipadala ito sa House Committee on Justice na siya namang magtutukoy kung may sapat na basehan ang reklamo para aksyunan ito. Kasunod nito ay may 60 araw na sesyon para isumite ng komite ang ulat sa plenaryo at 10 sesyon naman para maikalendaryo ng House of Representatives ang resolusyon para dito.

Matatandaang nauna nang inilunsad ng Makabayan ang isang signature drive na naglalayong makakalap ng 1/3 na boto o 106 myembro ng House of Representatives para mapabilis ang pag-usad ng reklamo. Ibinahagi ni Rep. Castro na mayroon na silang nakuhang ilang mga pirma sa ikalawang reklamo.

Naghahanda rin ang Koalisyong Makabayan at Bayan ng mga kilos-protesta para itulak ang pag-usad ng mga reklamong impeachment laban kay Duterte.

AB: Pagpupulong ng mga nagsampa ng reklamong impeachment kay VP Sara Duterte, inaasikaso ng Makabayan