Pagsasagawa ng live-fire exercises sa Maguindanao, pinahihinto
Kinwestyon ng Moro-Christian People’s Alliance (MCPA) ang pagsasagawa ng Armed Forces of the Philippines ng live fire exercises o pagpapaputok ng mga howitser at mortar sa Datu Unsay, Maguindanao Del Sur noong Agosto 15.
Sa aktibidad, tatlong klaseng pagpapaputok ang isinagawa ng 6th ID: isang may layong 400-metro, isang hanggang apat na kilometro at isang pagpapaputok ng mabibigat at long-range “artilllery support” ang tumarget sa kabilang barangay.
“Bakit nagsasagawa ang 6th ID ng live fire exercises sa Maguindanao del Sur ngayong linggo? Paghahanda ba ito sa panibagong pag-atake sa mga komunidad ng Moro?” tanong ni Amirah Lidasan, tagapagsalita ng MCPA.
Kinundena niya ang pagpapaputok at ipinanawagang agad na itigil ang paggamit ng live ammunition sa mga pagsasanay na ito dahil isinasapanganib nito ang mga komunidad ng Moro at binubuhay ang troma ng mamamayan na dala ng walang-awat na mga atakeng militar sa Maguindanao sa nakaraan.
Aniya, nakababahala ang mga pagpapaputok na ito lalupa’t kasabay ito sa mga protesta para sa pagpapatalksik sa mga upisyal ni Marcos na sina Anton Lagdameo (Special Assistant to the President) at Secretary Carlito Galvez ng OPAPRU na itinuturing ng mga Moro na balakid sa prosesong pagkapayapaan sa pagitan ng GRP at MILF. Kasabay din ito sa pag-atras ng MILF sa proseso ng normalisasyon o decommissioning ng mga mandirigama nito sa gitna ng kapalpakan ng GRP na tugunan ang mga probisyong nakaatang dito.
“Ang presensya ng mabibigat na artileri malapit sa mga komunidad sa loob ng BARMM ay nagpapakita ng seryosong kawalang sinseridad ng gubyerno sa prosesong pangkapayapaan at nagpapatibay sa pag-aalala ng MILF sa kawalan ng sustantibong tugon ng gubyerno sa mga kasunduan,” ani Lidasan.
Isa pang nakapangangamba aniya, ay ang pagsasagawa ng katulad na pagsasanay habang palapit ang eleksyon para sa parlamentong Bangsamoro.