Pagtaas ng singil na kontribusyon sa SSS, binatikos
Dagdag na pahirap sa mga manggagawang pasan ang napakatatataas na presyo ng mga bilihin ang pagtaas ng Social Security System’s (SSS) sa singil sa kontribusyon sa mga kasapi nito. Ayon ito kay dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, mambabatas na nagtaguyod ng pagtataas ng pensyon sa SSS noong 2016.
Itinaas tungong 15% ang rate ng kontribusyon ng SSS mula sa dating 14%. Ipinatupad ito ng ahensya simula Enero 1 at lubhang makaaapekto sa mga empleyado sa pribadong sektor, mga kasambahay, self-employed na mga indibidwal, mga boluntaryong kasapi at mga overseas Filipino workers (OFWs).
Pagdadahilan ng mga upisyal ng SSS na kumikita ng daan-daanglibong sweldo kada buwan, hindi pupwedeng suspendihin ang implementasyon nito at kinakailangan ang naturang pagtaas. Anila, maapektuhan umano ang “pangmatagalang kalusugan” ng SSS kung hindi nila ipatutupad ang pagtaas.
Ang dating ₱700 sa lumang rate para sa mga mayroong ₱5,000 at pababa na monthly salary credit (MSC) ay sisingilin na ng hanggang ₱760 kada buwan para sa mga self-employed at ₱750 sa mga boluntaryong kasapi. Habang ang mga OFW ay sisingilin na ng ₱1,200 kada buwan mula sa dating ₱1,120 para sa ₱8,000 MSC.
“Ang pagtaas ng singil sa kontribusyon ng SSS ay labis na hindi makatarungan,” ayon kay Rep. Colmenares. Sa pagbubukas pa lang ng 2025, sumalubong na sa mga manggagawa at karaniwang Pilipino ang pagtaas ng singil sa tubig sa ng kumpanyang Maynilad at Manila Water habang mayroon ding pagtaas sa singil sa kuryente ang Meralco at inaasahan naman ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa Enero 7.
“Ang kapal ng mukha ng SSS na magtaas ng contribution rate habang hindi pa nga naibibigay ang pangakong dagdag-pensyon. Para sa SSS board, mas mahalaga pa ang fund life ng SSS at ang matataas nilang sahod at perks kaysa sa buhay ng mga miyembro nito na pinanggagalingan naman ng pondo ng ahensya,” ayon kay Rep. Colmenares. Itinulak niya noong 2016 ang pagsasabatas ng ₱2,000 pagtaas sa pensyon ng SSS ngunit tanging ₱1,000 ang isinabatas ng noo’y rehimeng Duterte.
Dagdag pa niya, tulad lamang ang SSS ng PhilHealth na hayok na hayok sa pondo kaysa sa benepisyong ibibigay nito sa mga myembro. Sa harap nito, ipinanawagan niya ang kagyat na suspensyon sa paniningil ng dagdag sa kontribusyon laluna at bigo itong isaayos ang proseso ng paniningil sa nagdaang mga taon.
Hindi pa nga umano ipinaliliwanag ng ahensya ang kasalukuyang balangkas ng paniningil ay magpapatupad na naman ng panibago. “Tipikal itong kaso ng pagpapabalikat ng pahirap sa karaniwang manggagawa habang bigong tugunan ang pundamental na mga isyu sa pangungulekta at pangangasiwa sa ahensya,” ayon pa sa dating mambabatas.