Pagtagas ng langis sa lumubog na barko sa Bataan, pinangangambahan ng mga mangingisda

,

Nagpahayag ng matinding pagkaalarma ang mga mangingisda sa paglubog ng MT Terra Nova, isang barkong nagdadala ng 1.4 milyon litrong industrial fuel (krudo para sa mga makina) na lumubog sa Lamao Point, pitong kilometro mula sa baybay ng Limay, Bataan noong Hulyo 25. Ang paglubog ng barko ay naganap sa gitna ng malakas na hangin at alon na dala ng habagat at Bagyong Carina. May bahagi na ng langis na tumagas at lumikha ng 3.7 kilometrong “oil slick” na sinasabing galing sa tank ng gasolina ng barko, at hindi pa sa karga nitong langis.

“Lubha naming ikinababahala ang insidenteng ito sa dagat na maaaring magbunga ng malawak na oil spill sa Manila Bay,” pahayag ng Pamalakaya. “Di natin kayang magkaroon ng isa na namang sakuna sa ekolohiya sa aming mga pangisdaan.”

Sa ngayon, ipinagbawal ang pangingisda sa lugar. Tinatayang libu-libong mangingisda ang maapektuhan kung tumagas ang langis mula sa barko. Ayon sa coast guard, kung tatagas ang kargang langis, ito ang potensyal na magiging pinakamalaking oil spill sa Pilipinas. Aabutin nito ang mga baybay sa Metro Manila.

Nagtangkang lumayag ang MT Terra Nova mula sa Bataan para ihatid ang karga nitong langis sa isla ng Panay. Sinubukan pa ng kapitan na ibalik sa daungan ang barko pero di na ito umabot. Ang naturang barko ay pag-aari ng Shogun Ships Co. Inc, isang kumpanya na may matagalang kontrata sa Petron Corporation, kumpanyang pagmamay-ari ni Ramon Ang, na may repineriya ng langis sa Bataan.

Hanggang ngayon, iniinda pa ng mga mangingisda sa Mindoro ang epekto ng oil spill ng MT Princess Empress, isa pang barkong kinontrata ng Petron. Bagamat malawak at matagalan ang epekto ng oil spill na ito, tumanggi ang Petron na umako ng pananagutan.

Sa huling taya ng Pamalakaya, umaabot na sa 28,000 mangingisda ang direktang apektado ng hanging habagat at Bagyong Carina sa mga baybay ng Navotas, Bulacan at Cavite pa lamang. Katunayan, dalawang buwan nang di nakapagpapalaot ang mga mangingisda sa Cavite dulot ng malalakas na hanging habagat.

Panawagan ng grupo, kagyat na tugunan ng gubyerno ang mga pangangailangan ng mga mangigisda. “Higit na kailangan ng mga mangingisda at maralita sa baybayin ang maagap at konkretong tugon ng pamahalaan, para maiwasan ang mas malaki at pangmatagalan pang pinsala ng Bagyong Carina,” anito.

AB: Pagtagas ng langis sa lumubog na barko sa Bataan, pinangangambahan ng mga mangingisda