Mga tsuper sa Davao, nagtigil-pasada laban jeepney phaseout at BRT-Davao

,

Nagtigil-pasada ngayong araw, Disyembre 27, ang mga tsuper sa Davao City sa ilalim ng grupong Transmission-Piston. Ayon sa mga ulat, naparalisa nang 90% ang ruta ng Matina Aplaya at Matina Crossing kaninang alas-7 ng umaga. Nasa 80% naman ang natigil sa transportasyon sa ruta ng Toril.

Bahagi ang tigil-pasada sa Davao ng serye ng mga pagkilos ng mga tsuper sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kasalukuyang naghahanda ng isang mobilisasyon ang pambansang pamunuan ng Piston, katuwang ang grupong Manibela, sa Disyembre 29. Nilalabanan nila ang napipintong dedlayn ng pwersahang konsolidasyon ng mga prangkisa, na paunang hakbang sa pagtatanggal sa mga tradisyunal na dyip sa mga lansangan sa katapusan ng taon.

Ayon sa tagapagsalita ng Transmission-Piston na si Larry Argilles, nilalabanan ng mga tsuper sa syudad ang pwersahang konsolidasyon ng mga prangkisa dahil kabuhayan nila ang nakataya.

“Ang prangkisa para sa aming mga drayber at maliliit na operator ay isang kabuhayan na hindi dapat ipagkait sa amin,” aniya. “Kung ipagdadamot sa amin ito, may karapatan kaming magprotesta at magpahayag dahil mawawalan ng pagkain ang aming pamilya… Hihintayin pa ba naming ang pagpapatupad ng Davao Bus Project para lang mapatunayang malaki ang epekto nito sa aming mga drayber?”

Tulad ng naging kalakaran ng mga pasistang Duterte sa syudad, binuwag ng mga pulis ng syudad ang sentro ng protesta na itinayo ng mga tsuper sa Ma-a kung kaya napilitan silang ilipat ang kanilang protesta sa Freedom Park. Labag ito sa karapatan ng mga tsuper sa mapayapang pagtitipon. Tinatangka ring takutin ng mga pulis ang mga tsuper at kanilang mga tagasuporta sa sentro ng protesta na itinayo sa rutang Maa-Agdao.

Liban sa PUV Modernization Program (PUVMP) na programa ng dating rehimeng Duterte, na ipinagpatuloy ng kasalukuyan rehimeng Marcos Jr, tinututulan ng mga tsuper ang Davao Bus Project, kilala rin bilang sistemang Bus Rapid Transit (BRT) na ipinipilit ng Asian Development Bank, kasabwat ang pamilyang Duterte, sa syudad. Layunin ng sistemang BRT na lusawin ang kasalukuyang sistema ng transportasyon sa Davao na kinapalolooban ng mga moderno at tradisyunal na jeep, mga traysikel at bus, at palitan ito ng mga bus na aprubado ng ADB.

Sa ilalim ng sistemang BRT-Davao, papalitan ng 1,100 bus ang mahigit 7,000 dyip at libu-libong mga traysikel. Para gawin ito, ipinatupad ng lokal na gubyerno ang pwersahang konsolidasyon ng mga prangkisa mula pa 2017. Isinagawa ito sa pamamagitan ng pag-atake ng estado sa mga samahan ng tsuper at iba pang demokratikong grupo sa syudad. Di kataka-taka, isa ang Davao sa may pinakamataas na tantos ng pwersahang konsolidasyon sa buong bansa. (Ang rehiyon ang nagpataas ng pambansang tantos ng pwersahang konsolidasyon. Kumpara rito, napakababa ng konsolidasyon sa pambansang kabisera, kung saan nakakonsentra ang pinakamalaking bilang ng mga tradisyunal na dyip.)

Iginawad na ng ADB ang $1 bilyong “utang” sa lokal na gubyerno ng Davao na pinamumunuan ni Sebastian Duterte, ang pangatlong anak ni Rodrigo Duterte. Nagkaroon ng hugis ang BRT-Davao noong panahong meyor ng syudad si Sara Duterte at presidente naman ng bansa ang amang Duterte. Tulad ng ibang mayor na proyektong imprastruktura sa syudad, tinatayang malaki ang pakinabang ng mga Duterte sa kurakot at kikbak mula sa mga kontrata nito. Nakatakda nang simulan ang “transisyon” ng sistema ng transportasyon ng syudad pagpasok ng taon.

Ang proyekto, na tinaguriang Davao Public Transport Modernization Project, ay binuo ng ADB noon pang 2015. Kasabay ng pagtatambak ng sarplas na mga luma at bagong bus sa syudad ng Japan at mga kaalyado nitong bansa, magiging tambakan din ito ng iba pang mga burloloy na nakakabit sa mga bus. Kaakibat ng BRT-Davao ang pagreretoke sa mga kalsada ng syudad, paglalatag ng bagong mga kalsada, pagtatayo ng mga shed, depot at terminal ng mga bus, pagsasaayos ng mga interseksyon, pagtatayo ng eskwelahan para sa mga drayber, at marami pang remedyong kailangang ilatag bago gumana ang sistema. Marami pang ibang proyektong imprastruktura ang balak itayo ang Japan at ADB sa syudad, na pawang nakapipinsala sa kabuhayan ng mamamayan, pero nakapagpayayaman naman sa mga korap na Duterte at kanilang mga kasapakat sa Davao.

Hindi lamang papatayin ng sistemang BRT-Davao ang kabuhayan ng libu-libong Dabawenyo, babayaran pa ng mamamayan ang bilyun-bilyong pisong na inutang (at kukurakutin) ng mga Duterte para sa proyekto.

AB: Mga tsuper sa Davao, nagtigil-pasada laban jeepney phaseout at BRT-Davao