Pagtitipon para dakilain ang mga rebolusyonaryong martir, isinagawa
Nagsama-sama ang mga grupo sa karapatang-tao at mga kaanak ng mga martir noong Abril 12 sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City para parangalan ang kabayanihan at pagbubuwis ng buhay ng mga rebolusyonaryo sa ngalan ng pambansa-demokratikong adhikain ng sambayanan. Pinangunahan ng Hustisya! (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) ang aktibidad na may temang “Kagitingan at Paglaban: Parangal para sa mga Pinatay na Hors de Combat at Rebolusyonaryong Martir.”
Pinarangalan sa pagtitipon ang mga nabuwal na lider ng Partido Komunista ng Pilipinas, mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), mga upisyal ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), at magigiting na lider-masa na nagtaguyod ng karapatan, kagalingan at kalayaan ng sambayanan. Ang pakikibakang inilunsad nila ay pangunahing nakaturol laban sa imperyalistang panghihimasok ng US sa Pilipinas.
Partikular din na kinilala sa parangal ang mga pinaslang ng Armed Forces of the Philippines na hors de combat na mga mandirigma ng BHB. Tuluyan silang pinatay ng mga pasistang berdugo sa kabila na wala na silang kakayahang lumaban dahil sa pagkakapinsala, pagkakasakit, o pagkakabilanggo. Taliwas at malaking krimen ito ilalim ng mga batas ng digmaan at karapatang-tao, na nagsasabing dapat silang itrato na may respeto at dignidad, at hindi dapat saktan o pagmalupitan.
Sa pagtitipon, nagbigay ng talumpati ang mga kaanak at kapamilya ng mga martir, kapwa mula sa hanay ng mga beterano at mga kabataang rebolusyonaryo. Nagtanghal rin ang mga grupo ng mga awit, sayaw at iba pang sining bilang pagpaparangal sa kanila.
Ayon sa Hustisya, naging okasyon din ang pagtitipon para muling pagtibayin ang pagtataguyod sa karapatan ng mamamayan sa sariling pagpapasya at pagdidiin na ang paghihimagsik ng mamamayan ay isang makatarungang adhikain.
Kinikilala ng iba’t ibang internasyunal na kasunduan at deklarasyon ang karapatan ng mamamayan sa pagsusulong ng kilusan sa pambansang pagpapalaya, kabilang ang paggamit ng armas. Isa dito ang Universal Declaration of the Rights of Peoples o kilala din bilang Algiers Charter na pinagkaisahan noong Hulyo 4, 1976 sa Algeria. Ginamit ang dokumentong ito bilang pundamental na salalayan ng Permanent Peoples’ Tribunal, na dumidinig sa mga kaso ng krimen at paglabag sa karapatang-tao ng mga estado.
Nakasaad sa Algiers Charter ang karapatan ng mga mamamayan na malayang igiit ang kanilang pampulitikang katayuan laban sa dayuhang panghihimasok. Ayon pa dito, mayroong karapatan ang mamamayan na bumalikwas mula sa kahit anong kolonyal o dayuhang dominasyon na direkta o hindi direktang kumukubabaw dito.
Nagpasalamat ang Hustisya at pamilya ng mga martir sa pakikiisa at pagdalo ng mga grupo sa pagtitipon. “Ang maghimagsik ay makatarungan!” anang grupo.