Balita

Pagtugis ng militar sa mga lider-masa sa Aklan, kinundena

,

Kinundena ng mga demokratikong organisasyon ang panunugis ng militar sa mga lider ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa prubinsya ng Aklan noong Hunyo 22. Pinaghahahanap ng mga elemento ng 301st IBde sa Barangay Poblacion, Kalibo sina Sin F. Tugna, tagapagsalita ng Bayan-Aklan at George T. Calaor, tagapangulo nito.

“Kung mapapahamak sina Calaor at Tugna, walang ibang responsable rito kundi ang 301st Brigade ng Philippine Army, lokal na pulis, at ang gubyernong Duterte,” pahayag ng pambansang tanggapan ng grupong Bayan.

Paahayag ng grupo, dapat kagyat na iatras ng militar ang mga tropa nilang nanggigipit sa mga myembro ng mga organisasyong masa at mga residente ng nabanggit na barangay. “Dapat itigil ng mga awtoridad ang pangrered-tag kina Calaor, Tugna at iba pang aktibista sa Aklan,” giit nito.

Ayon sa ulat ng mga residente, nag-iikot umano ang mga sundalo sa komunidad at ipinakikita ang larawan ng dalawa at inuusisa kung kakilala nila ang mga ito. Kinumpirma rin nila na ang mga sundalo ay umupa ng mga boarding house sa C. Laserna Street, Poblacion para sa kanilang “special operations.”

Ayon sa Bayan-Aklan, katulad ng operasyong ito ang isinagawa sa Tapaz, Capiz at Calinog, Iloilo na humantong sa masaker at iligal na pag-aresto sa mga Tumandok noong Disyembre 2021.

Inaakusahan ng militar si Tugna at Calaor na mga kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng rebolusyonaryong kilusan dahil sa kanilang aktibong paglalantad sa mga krimen at paglabag sa karapatang-tao ng 3rd ID sa prubinsya.

Gayundin, kabilang ang Bayan-Aklan sa mga naninindigan laban sa Boracay Island Development Authority (BIDA) bill na magpalalayas sa mga katutubong Aeta, mga residente at lokal na mga negosyante sa saklaw na lugar ng panukala. Sa ilalim ng naturang panukala, magiging ekslusibo para sa malalaking kapitalista at big-time na sugarol ang isla ng Boracay.

Kaugnay ng serye ng insidente, naglabas ng bukas na liham si Calaor para sa mga kapwa niya Aklanon. Ipinabatid niya dito na nangamngamba siya sa ginagawa ng militar dahil maaaring gamitin itong pangangatwiran para saktan sila o di kaya ay patayin.

“Lumalapit kami sa mga kapwa naming Aklanon, Pilipino…na tulungan kami at suportahan laban sa masasamang aktibidad na ito ng estado na naglalagay sa aming kalayaan, seguridad at buhay sa kapahamakan.”

Sa huli, nanawagan si Calaor ng interbensyon at imbestigasyon sa lokal na gubyerno gayundin sa Commission on Human Rights para mapangalagaan ang kanilang kalayaang sibil at demokratikong mga karapatan.

AB: Pagtugis ng militar sa mga lider-masa sa Aklan, kinundena