News

Pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan at kaligtasan ng mga sibilyan, ipinanawagan ng taong-simbahan sa Ilocos

Muling nanawagan ang mga taong-simbahan sa ilalim ng Kaamoyo ti Kappia (Partner i Peace o KTK) sa Ilocos Norte para sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan matapos maganap ang sagupaan sa pagitan ng isang yunit ng Bagong Hukbon Bayan at Armed Forces of the Philippines sa probinsya.

Noong Pebrero 6, nakasagupa ng BHB ang mga tropa ng 50th IB sa Sityo Dapulay, Poblacion, Nueva Era, Ilocos Norte. Kahit tapos na ang sagupaan, nanatili ang mag sundalo sa lugar, at nagdeploy pa ng dagdag na tropa sa kalapit na Barangay Uguis sa parehong bayan.

“Tanging sa tunay na usapan at pagkamit ng hustisya maabot ang matagalang kapayapaan,” ayon sa KTK.

Nanawagan din ang KTK sa Commission on Human Rights at mga lokal na gubyerno na agad na magsagawa ng imbestigasyon sa natukoy na lugar. “Ang kaligtasan at kapakanan ng mga sibilyan sa komunidad ay kailangang tiyakin, at dapat masinsing subaybayan at harapin ang mga paglabag sa karapatang-tao,” ayon sa KTK. Batid ng KTK ang mahabang rekord ng miltiar sa pagkukubli ng malalalang paglabag sa karapatang-tao — tulad ng ekstrahudisyal na pamamaslang, sapilitang pagkawala, tortyur at harasment ng mga sibilyan — bilang mga “lehitimong” operasyong militar.

Ayon sa grupo, ipinapakita ng huling sagupaan na hindi totoo ang deklarasyong “insurgency-free” na ang prubinsya una noong Marso 2022, at muli sa Nobyembre sa parehong taon.

“Ipinapakita lamang nito na dumaranas ang mamamayang Pilipino ng laganap na kahirapan. Walang prubinsya ang masasabing insurgency-free hanggang may paghihirap at pagdurusa sa hanay ng mamamayan,” ayon sa KTK.

AB: Pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan at kaligtasan ng mga sibilyan, ipinanawagan ng taong-simbahan sa Ilocos