Pakikipagpulong ni Marcos kay Biden sa US, hinabol ng protesta

, ,

Magkakasunod na protesta ang inilunsad ng mga migranteng Pilipino sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA para batikusin ang pagpunta ni Ferdinand Marcos Jr sa US at pakikipagpulong niya sa hepe ng imperyalistang US na si Joe Biden mula Abril 30. Magtatagal si Marcos Jr ng apat na araw sa bansa para maglamyerda at ibugaw ang Pilipinas sa dayuhang pamumuhunan.

Noong Mayo 1, nagprotesta ang mga migranteng Pilipino at kanilang mga alyado sa Lafayette Square sa Washington DC kung saan nagpulong si Marcos Jr at Biden. Kasunod nito, hinabol din ng protesta ang pakikipagpulong ni Marcos Jr sa mga migrante sa Ritz-Carlton Hotel. Sigaw ng mga Pilipino sa magkasunod na protesta: “Marcos not welcome in the US” at “Never again to Martial Law.”

Ang pagbisita ni Marcos Jr ay ilang araw lamang pagkatapos ng pinakamalaking pagsasanay militar na Balikatan 2023 na nilahukan ng 12,000 tropang Amerikano. Sa araw ding ito sinimulan ang kasunod na war games gamit ang mga jetfighter na tinawag na Cope Thunder. Kasunod din ito ng pagpapatibay ni Marcos Jr sa karagdagang apat pang “napagkasunduang lokasyon” na gagawing base militar ng US sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa isang pahayag ng Bayan-USA, binatikos nito ang presensyang militar sa Pilipinas at karagdagang mga base militar ng US sa Cagayan, Isabela at Palawan. Anila, isasapanganib lamang ng mga ito ang Pilipinas at hihilahin sa alimpuyo ng pakikipaggitgitan nito sa imperyalistang karibal nito na China.

Sinundan ito ng pagkilos ng mga Pilipino noong Mayo 2 sa US Naval Observatory sa Washington D.C. kung saan nakipapulong si Marcos Jr kay US Vice President Kamala Harris. Ayon sa Bayan-USA, “ang pagpupulong na ito ay isang hakbang na naman sa pagpapalakas ng hindi patas na ugnayan ng US [sa Pilipinas] at relasyong bilateral.”

Noong gabi ng Mayo 2, sinugod ng mga Pilipino ang Fiola Mare, isang mamahaling restawran sa Georgetown, kung saan may “dinner meeting” si Marcos, Jr at kanyang gabinete sa mga bilyonaryong negosyanteng Pilipino. Tinatayang kasama sa mamahaling hapunan ang mga negosyanteng sina Enrique Razon Jr., Lance Gokongwei, at Sabin Aboitiz.

Kinundena ng mga nagprotesta ang pagwawaldas ng pera ng bayan ng administrasyon habang walang tugon sa krisis sa ekonomya sa bansa. Nagawang makapagprotesta ng grupo sa loob ng naturang gusali. Inaresto sa protesta ang apat na kalahok.

Tulad sa nakaraang paglalamyerda, kasama ni Marcos Jr ang kanyang pamilya, asawang si Marie Louise Marcos at anak na si Sandro Marcos. Sumabit din sa biyahe si Gloria Macapagal Arroyo at Martin Romualdez at walo pang kalihim ng gabinete.

AB: Pakikipagpulong ni Marcos kay Biden sa US, hinabol ng protesta