Balita

Pamilya ng pinaslang na kasambahay sa Kuwait, nananawagan ng hustisya

, ,

Kinundena ng Samahan ng mga DH sa Gitnang Silangan (SANDIGAN)-Philippines ang magaan na sentensya na ipinataw ng husgado sa Kuwait sa pumaslang kay Dafnie Nacalaban noong 2024.

Si Nacalaban, 35 anyos, ay nagmula sa Zamboanga del Sur. Namasukan siya bilang domestic worker (DW) sa Kuwait mula 2019 at naiulat siyang nawawala noong Oktubre 2024. Matapos ang dalawang buwan, natagpuan ang kanyang naaagnas na bangkay sa bakuran ng kanyang amo.

Umaasa ang pamilya sa pangako ng Department of Overseas Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na gagawin ng mga ito ang lahat upang makamit ang hustisya. Pero matapos ang halos isang taong paglaban, hinatulan lamang ang among pumatay sa kanilang kaanak ng 14 taong pagkakakulong. Samantala, ang tatlo niyang kasabwat sa krimen ay hinatulan lamang ng isang taong pagkakakulong na may kasamang “hard labor.”

“Kapag Pinoy ang suspek, kahit kulang sa ebidensya, bitay agad. Pero kapag Pilipino ang biktima, ganito kababa ang tingin. Wala talagang hustisya para sa aming mahihirap,” malungkot na pahayag ng asawa ni Nacalaban.

Ayon sa SANDIGAN, halimbawa ito ng hindi sapat na kaparusahan at hindi patas na pagtrato sa mga overseas Filipino worker kung saan tinatratong pag-aari ng kanilang mga amo ang mga “kadama” o DW. Ganito rin ang naging kaso sa brutal na pagpaslang noong 2023 kay Jullebee Ranara ng anak ng kanyang amo. Hinatulan lamang ang pumatay ng 15 taong pagkakakulong.

Ikinalungkot ng pamilya na hindi man lamang ipinaunawa sa kanila nang maayos kung ano ang nangyari sa kaso. Basta na lamang silang ipinaabot ng kinatawan ng DMW ang naging hatol at sinabing wala na raw magagawa ang gubyerno. Ang malala, hindi pa rin iginagawad hanggang sa kasalukuyan ang ipinagako ng OWWA na scholarship para sa kanilang anak.

“Hindi katanggap-tanggap ang pagkibit-balikat ng mga ahesya ng gubyerno sa hinaing ng mga OFW at kanilang pamilya para sa hustisya. Sila ay inatasang magbigay ng suporta at proteksyon sa mga OFW na bulnerable sa abuso at maging sa pamamaslang sa labas ng bansa,” ayon sa grupo.

“Ginigiit natin ang responsibilidad ng gubyerno na lumikha ng mga oportunidad, disenteng trabaho, at sustenidong kabuhayan na may nakabubuhay na sahod sa Pilipinas. Sa gayon, wala nang manggagawang Pilipino ang mabibiktima ng sapilitang migrasyon, magtitiis sa pagmamaltrato at kalauna’s uuwi na lamang na bangkay matapos mahiwalay nang ilang taong sa kanilang pamilya,” pahayag ng grupo.

AB: Pamilya ng pinaslang na kasambahay sa Kuwait, nananawagan ng hustisya