Balita

Pananakot ng pulis at militar sa isasagawang rali sa Setyembre 21, kinundena ng kabataan

,

Sinupalpal ng kabataan ang pagbabanta ng Philippine National Police (PNP) na hindi nito pahihintulutan ang mga rali at demonstrasyon kung walang permit. Giit ng mga kabataan, hindi kailangan ng permiso ng mamamayan para magpahayag ng kanilang galit at maningil ng pananagutan sa mga tiwaling kontratista, burukratang kapitalista at kay Marcos mismo.

“Makatwiran ang galit at panawagan ng mamamayan at hindi ninyo kami madadaan sa permit-permit na ‘yan. Yung mga magnanakaw sa Kongreso, Senado, at Malacañang ang kastiguhin nyo,” pahayag ni Mhing Gomez, pambansang tagapangulo ng Anakbayan.

Aniya, dapat tigilan ng PNP ang paggamit sa pagdadahilang para sa “kapayapaan at kaayusan” ang pagkuha ng mga permit para makapagprotesta. “Peace and order para kanino? Peace para kay Marcos Jr at sa tulad nyang mga kurakot. At bulok na kaayusang nagpapahintulot sa korapsyon,” pahayag ni Gomez.

Matagal na umanong isinantabi ng rehimeng Marcos ang “kapayapaan at kaayusan” mula nang pagnakawan nito ang taumbayan. “Walang kapayapaan at kaayusan kung gobyerno mismo ang nagnanakaw at pumapatay sa mamamayan,” aniya.

Para sa Kabataan Partylist, nakikita sa taktikang ito ng PNP na natatakot na si Marcos sa nagkakaisang boses ng mga kabataan sa lansangan. “Obviously, takot si Marcos Jr sa mga Pilipino, kasi alam niyang siya rin ang mastermind at may pananagutan sa laganap na nakawan sa dulo,” pahayag ni Kabataan Rep. at Assistant Minority Leader Atty. Renee Co.

Nagpatutsada rin si Co sa kamakailang alok ni Marcos sa mga Pilipino na pumunta sa Malacañang para dumalo sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan noong Setyembre 13. “Welcome pala ang ordinaryong Pilipino sa Malacanang pag birthday party pero kapag protesta bawal? Barbed wire na fence pa ang pa-regalo ni Marcos Jr. sa lalapit. Di mapapalitan ng mini-salu salo sa Palasyo ang bilyong ninakaw sa taumbayan,” ayon kay Co.

Samantala, naghahasik ng takot at nag-uudyok ng pagka-aligaga ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa amunsyo nito na nakataas na sa “red alert” ang buong sandatahang lakas sa harap ng tuluy-tuloy na mga protesta laban sa korapsyon. Ayon sa AFP, ang “red alert” na idineklara noong Setyembre 12 ay para suportahan ang PNP.

Sa harap ng lantarang pagbabanta at panunupil ng PNP, AFP at buong rehimeng Marcos, ipinahayag ng Anakbayan na lalong pinatutunayan na dapat kumilos ang mga kabataan at mamamayan laban sa katiwalian. Nararapat lamang umanong gambalain at hindi patahimikin ang mga Marcos at kanyang upisyal hanggang hindi napapanagot sa kanilang patung-patong na mga katiwalian at krimen sa taumbayan.

“Magpapatuloy sa paniningil at paglaban kaming mga kabataan kasama ng sambayanan, ano mang pamamaraan ang kinakailangan. Ang lumaban ay makatwiran at kinakailangan,” ayon pa kay Gomez.

Sa kaugnay na balita, inihain ng Kabataan Partylist at ACT Teachers Partylist sa House of Representatives noong Setyembre 15 ang isang panukalang batas na nagbabasura sa Batas Pambansa Blg. 880 or the “Public Assembly Act of 1985”, batas na pinairal ng noo’y diktadurang Marcos.

AB: Pananakot ng pulis at militar sa isasagawang rali sa Setyembre 21, kinundena ng kabataan