Balita

Pananalasang militar ng 19th IB sa Northern Samar, isiniwalat ng mga residente

Isiniwalat ng mga residente ng bayan ng Silvino Lobos, Northern Samar ang dinaranas nilang pananalasa ng 19th IB sa kanilang komunidad. Imbwelto sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng militar na ito na nakahimpil sa Barangay Geparayan de Turag.

Ang naturang detatsment ay katabi lamang ng mga bahay ng mga residente. Sa sobrang dami ng mga sundalong humihimpil sa kampo ay nahahalo na sila sa mga sibilyang komunidad, paglabag sa internasyunal na makataong batas. Dagdag pa rito ang mga mapaminsalang operasyong kombat na gumugulo sa paghahanap-buhay ng mga magsasaka at residente.

Kabilang sa mga paglabag ng militar ang sikretong pag-“tracking” sa mga magsasakang tumutungo at nagtatrabaho sa kanilang bukid. Inuutusan ng militar ang mga residente na magdala ng isang selpon nang hindi ipinapaalam kung para saan ito. Pinagbabantaan din silang huwag pakikialaman ang selpon habang nasa bag. Pag-uwi ng mga residente sa baryo, ipinasasauli ito sa mga sundalo.

Sa isang naitalang kaso, sikretong inilagay ng mga sundalo ang isang selpon sa bag ng magsasaka na binawi rin pag-uwi niya sa baryo. Binigyan siya ng ₱2,000 na ikinadismaya niya dahil wala naman siyang sinang-ayunang trabahong maniktik. Ang ganitong taktika ay maituturing na paglabag sa karapatan sa malayang pagkilos ng mga residene at paraan para isailalim sila sa pagmamanman at panggigipit.

Inoobliga rin ng militar ang lahat ng residenteng may selpon sa barangay na magpasa sa kanila ng impormasyon hinggil sa presensya ng Bagong Hukbong Bayan sa lugar.

Maliban sa mga kasong ito, naitatala rin ang pambubulabog ng mga sundalo sa pangangatok sa mga bahay para “mag-imbistiga” hinggil sa presensya ng hukbong bayan sa kalagitnaan ng gabi. Mayroon ding mga kaso ang militar ng pagnanakaw ng tanim na gulay ng mga residente. Kinukuha nila ang mga tanim na langka, puso ng saging, talbos ng kamote, at papaya na sana ay pangkonsumo at pantawid-gutom ng mahihirap na magsasaka. Pasimuno rin sila ng mga anti-sosyal na gawain tulad ng sugal, sabong, inuman, at paglason at pangunguryente ng mga sapa.

Armadong aksyon ng BHB

Bilang pagbibigay hustisya sa mga krimen ng 19th IB laban sa masang magsasaka, nagsagawa ng operasyong isnayp ang BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) sa detatsment ng militar sa Barangay Geparayan de Turag noong Mayo 22, alas-7:49 ng gabi. Naisagawa ng hukbong bayan ang armadong aksyon sa mahigpit na pakikipagtulungan sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa.

“Hangga’t nananatili ang pagpapahirap sa mga magsasaka, tiyak na patuloy na makakakilos at makapagpupunyagi ang BHB sa Silvino Lobos at sa buong Northern Samar,” pahayag ni Ka Amado Pesante, tagapagsalita ng BHB-Northern Samar.

AB: Pananalasang militar ng 19th IB sa Northern Samar, isiniwalat ng mga residente