Pang-iistraping ng helikopter ng AFP sa Bayugan City, pinalalabas na “engkwentro”

Inistraping ng T-129 attack helicopter ang Sityo San Miguel, Barangay Pinagalaan, Bayugan City, Agusan del sur noong Abril 16 na pinalalabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang “engkwentro” laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Agad itong pinasinungalingan ng yunit ng BHB sa lugar at sinabing walang engkwentro.

Ayon sa paunang ulat, gumamit ng kalibre .50 gatling massinggan ang AFP na nangratrat sa naturang sityo. Nagdulot ito ng labis na takot at troma sa mga residente ng komunidad.

Sa pagbabahagi ni Ka Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng BHB sa katabing prubinsyang Surigao del Sur, “walang engkwentro sa lugar…ngunit noong Abril 14 ay nakapaglunsad ng ambus ang BHB na nagresulta sa pagkamatay ng ilang tropa ng militar.” Kinukuha pa ang detalye ng naturang ambus.

Paliwanag pa ni Ka Sandara, “isang malaking kasinungalingan ang pinakakalat ng militar na mayroon silang nakumpiska na isang ripleng AK-47.”

Bukod dito, idiniin ni Ka Sandara na “hindi BHB ang tinatakot ng [pangraratrat ng AFP] kundi ang mga residente.”

Kinumpirma mismo ng mga residente at ng kapitan ng Barangay Pinagalaan na walang kaswalti sa lugar at naganap na engkwentro.

Ayon sa ulat ng 3rd Special Forces Battalion, tumagal ang pag-iikot ng helikopter ng isang oras. Tinatayang naglustay ang T-129 ng higit ₱150,000 sa isang oras na pagpapalipad nito. Pinakilos ng AFP ang Philippine Airforce 15th Strike Wing sa operasyong ito.

AB: Pang-iistraping ng helikopter ng AFP sa Bayugan City, pinalalabas na "engkwentro"