Panggigipit sa mga magsasaka sa Cagayan Valley, kinundena
Kinundena ng Amihan at Environmental Defenders Congress (Envidefcon) ang panggigipit kay Emilia Ventula, isang lider kabababaihan sa Cagayan VAlley. Anila, bahagi ito ng malawakan at sistematikong pangigipit ng estado laban sa mga organisasyon ng mamamayan sa prubinsya.
Si Ventula ay myembro ng Makabayan Cagayan Valley at dating kampanyador ng Bayan Muna Partylist noong nakaraang eleksyon. Myembro din siya ng organisasyon ng magsasaka sa Alcala, Cagayan.
Ayon sa Amihan Cagayan, isang ahente ng paniniktik na nagpakilalang ‘Jeric Santos’ ang pumunta sa bahay ni Ventula noong Setyembre 8, at nagtanong sa anak niya na babae kung nasaan siya. Nang makita ni Santos si Ventula sa daan ay sinubukan nitong isakay siya sa motor upang “makausap” siya.
Noong Setyembre 10, ipinatawag si Ventula sa barangay hall kung saan pinagbantaan siya ni Santos sa harap ng kapitan at sekretaryo ng barangay. Sinabihan siyang lumayo kay Jackie Ratin, ating nominado ng Gabriela Women’s Party at tagapangulo ng Amihan Cagayan. Kung hindi siya sumunod ay kakasuhan siya ng terorism financing. Sinabihan din siyang binabantayan at hinahanapan siya ng “ebidensya.” Si Ratn ay ilang beses ding ni-red-tag at ginipit ng 17th Infantry Battalion at National Task Force (NTF)-Elcac.
Noong Setyembre 12, anim na myembro ng organisasyon ng magsasaka na kinabibilangan ni Ventula ang ipinatawag sa barangay hall. Ininteroga sila ng mga pulis hinggil sa isang litrato nila na may logo ng Bayan Muna. Pinipilit sila na tumiwalag sa organisasyon.
“Ito ang naratibo ng pasistang rehimen—ginagamit upang takutin at patahimikin ang mga lider at kasapi ng mga organisasyong nagsisiwalat ng katotohanan at nagsusulong ng pagbabago sa lipunang pinamumunuan ng burukratang kapitalismo at binabalot ng kaliwa’t kanang katiwalian,” pahayag ni Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan.
Ayon sa Envidefcon, ang panggigipit kay Ventula at kanyang mga kasamahan ay naglalantad sa kung gaano ka-bulok at ka-desperado ang gubyerno.