Panggigipit sa mga manggagawang pangkultura, binatikos

Nagprotesta ang mga makabayang artista at mga pangkulturang organisasyong masa sa Department of Justice sa Quezon City noong Setyembre 5 para batikusin ang panggigipit ng Quezon City Police Department (QCPD) kay Max Santiago at sa tatlo pang kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan. Kinasuhan sila ng paglabag sa Clean Air Act (Republic Act No. 8749) dahil sa pagsusunog ng effigy noong Hulyo 24 kasabay ng ikalawang state of the nation address ni Marcos Jr.

Sa pangunguna ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), isinagawa ang protesta kasabay ng preliminary investigation kaugnay ng mga kasong isinampa sa apat na manggagawang pangkultura.

Giit ng mga grupo, ginagamit ng estado ang Clean Air Act at Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003) para gipitin ang kalayaan sa pagpapahayag. Panawagan nila na ibasura na ang mga kaso at ipagtanggol ang mga demokratikong espasyo at karapatan ng mga artista at manggagawang pangkultura.

Anila, ang mga effigy ay simbolo ng protesta at sumasalamin sa tunay na kundisyon ng bansa katulad na lamang ng ipinakita ng likha ni Max Santiago na pinamagatang “Doble Kara.”

Binatikos din ng CAP ang panggigipit ng pulis sa mga artista sa nililikha nilang effigy at sining dahil ito ay sumasalamin sa mga katotohanang gusto nilang itago at ibaon sa limot. Patunay nito ang pamahayag ng QCPD na ang effigy ay pambabastos kay Marcos Jr.

AB: Panggigipit sa mga manggagawang pangkultura, binatikos