Panibagong atake ng PNP sa mamamahayag pangkampus sa PUP, kinundena ng mga estudyante
Nagprotesta ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa kampus nito sa Sta. Mesa noong Nobyembre 27 sa pangunguna ng The Catalyst, pahayagang pangkampus ng PUP. Kinundena nila ang panibagong kaso ng panggigipit ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa mamamahayag pangkampus na si Jacob Baluyot.
Si Baluyot ay pinadalhan kamakailan ng PNP-CIDG ng petisyon para sa indirect contempt dahil sa pagtanggi niyang humarap sa mga pulis nang ipina-subpoena noong nakaraang buwan. Sa halip na humarap, nagsumite si Baluyot sa PNP-CIDG ng ligal na paliwanag kung bakit hindi siya dadalo sa pagpapatawag nito.
Isa si Baluyot sa apat na lider-estudyanteng ipina-subpoena para ipailalim sa “imbestigasyon” ng mga pulis. Ayon sa PNP-CIDG, ang “imbestigasyon” ay kaugnay ng sinasabing pamumuno at pagkakasankgot ng mga lider-kabataan sa mga protestang kontra korapsyon laluna noong Setyembre 21.
Nauna nang nanindigan ang The Catalyst, Alyansa ng Kabataang Mamamahayag ng PUP (AKM PUP) at College Editors Guild of the Philippines (CEGP) laban sa pag-subpeona ng mga pulis kay Baluyot. “Banta ito sa kalayaan ng pamamahayag at pakikilahok sa mapayapang pagkilos,” pahayag ng The Catalyst.
“Hanggang saan ang kayang gawin ng mga pulis?” tugon ni Brell Lacerna, pambansang tagapagsalita ng CEGP, sa panibagong kaso na kinahaharap ni Baluyot. Dagdag niya, nakakadismaya na nilulustay ng PNP-CIDG ang pondo ng bayan sa panggigipit sa mga kabataang tumitindig laban sa korapsyon.
Binatikos rin ng CEGP ang naiulat na pambubusal ng PNP Anti-Cybercrime Group sa Tinig ng Plaridel, pahayagang pangkampus sa University of the Philippines Diliman-College of Media and Communication. Pinatatanggal ng mga pulis sa X (dating Twitter) ang balita ng pahayagan hinggil sa isang protestang kontra korapsyon.
“Hindi kami mapatatahimik o mapayuyuko ng mga tangkang isensura ang aming tinig habang nagsasalita laban sa kurakot na mga upsiyal,” pahayag ni Lacerna. Aniya, walang kahit sinong myembro ng mga pahayagang pangkampus ang dapat kumaharap sa panunupil at pag-atake ng mg pwersa ng estado.
Sa Nobyembre 30, lalahok ang CEGP at mga mamamahayag pangkampus sa protestang Baha sa Luneta 2.0 na pangungunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Ilulunsad ang demonstrasyon sa Luneta Park sa Maynila at magkakaroon ng katulad na mga protesta sa iba pang bahagi ng bansa. Pangunahing ipapanawagan ng KBKK: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”
“Mula sa simpleng ‘managot ang kurakot’ hanggang sa malalalim na panawagan para magbitiw sa pwesto sina Bongbong Marcos at Sara Duterte at baguhin ang bulok na sistema ng pamamahala, lahat ng lehitimong sigaw ng bayan ay may puwang at pakikinggan,” pahayag ng KBKK para sa protesta.