Paniniktik at panggigipit ng militar sa dalawang organisador sa Bicol, kinundena

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB) at Defend Bicol Stop the Attacks Network (Defend Bicol) ang paniniktik at panggigipit ng mga sundalo ng 9th ID sa isang manggagawang pangkaunlaran at organisador ng magsasaka sa rehiyon.

Pinaghahanap at nangalap ng impormasyon ang mga sundalo sa mga komunidad sa ikatlong distrito ng Albay sa kinaroroonan nina Administrative Officer Maggie Seva at istap na si Fidel Mirando ng Farmer’s Assistance for Resource Management, Education and Rehabilitation Incorporated (FARMER Inc). Ipinailalim sa iligal na interogasyon ang mga kaanak ng dalawa.

Ayon sa FARMER Inc, simula Pebrero 1 hanggang Pebrero 15 ay nakaranas ng pinatinding harasment at pananakot ang pamilya nina Seva at Mirando mula sa mga elemento ng 9th ID.

Noong Pebrero 15, dalawang lalaki ang nagpunta sa bahay ng kapatid ni Seva sa Barangay Zone 1, Libon, Albay. Nagpakilala umano ang dalawa bilang sina Sgt. Jason Gevero mula sa Camp Simeon Ola, Legazpi City at Angel Mendosa na nagpakilalang alyas “Lakay” mula sa Paniqui, Tarlac. Ipinailalim sa interogasyon ang kapatid ni Seva.

Noon namang Pebrero 8, dalawang lalaki ang nagpunta sa bahay ng kapatid ni Mirando sa Barangay Agos, Polangui, Albay. Nagpanggap pang kapitbahay ni Seva ang isang lalaking nagpunta sa bahay. Sa paglalarawan ng mga kaanak, malalaki ang pangangatawan nito at matatangkad. Kumuha pa umano ng mga larawan ang mga lalaki sa kanilang bahay at sa daanan sa harap nito.

Naitala ng Karapatan-Bicol ang mga kaso ng pananakot, panggigipit at intimidasyon sa mga “pagbisita” nito sa upisina ng FARMER Inc sa Sityo Bololo Barangay Zone 5 sa Libon, Albay, at sa bahay nina Seva at Mirando simula pa noong nakaraang taon.

Sina Seva at Mirando ay parehong nanguna sa mga kampanya para sa karapatan sa lupa, pagkain at hustisya para sa mga magsasaka. Nakatuwang din ng mga magsasaka ang FARMERS Inc sa pamamahagi ng mga binhi at iba pang farm input para makaagapay sa kanilang pagsasaka. Si Mirando ay organisador ng Samahan at Unyon ng mga Mangagawang Bukid sa Kabikolan (SUMABAK).

AB: Paniniktik at panggigipit ng militar sa dalawang organisador sa Bicol, kinundena