Panunugis sa mga migranteng manggagawang Pilipino sa US, binatikos
Kinundena ng Migrante-USA at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA ang panggigipit ng administrasyon ni Donald Trump sa mga manggagawang migrante sa bansa mula nang naluklok sa poder. Sa tulak ng retorikang anti-migrante, sinaklaw na rin ng panunugis ni Trump, hindi lamang ang mga kulang sa dokumento, kundi maging ang mga “green card holder” o permanenteng mga residente sa US.
Isa sa mga kasong ito ang pag-aresto kay Lewelyn Dixon, isang Lawful Permanent Resident ng US o “green card holder”. Kasalukuyan siyang nakakulong at nasa kustodiya ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Si Dixon, 64 anyos at 50 taon nang naninirahan sa US, ay inaresto ng ICE habang pabalik sa kanyang tahanan sa Seattle, Washington, mula sa kanyang bakasyon sa Pilipinas. Umuwi siya ng US noong Pebrero 28 mula sa ilang linggong pagbabakasyon kasama ang kaniyang pamilya sa Pilipinas. Nalaman lamang ng pamilya ang kanyang sitwasyon noong Marso 2.
“Ang sitwasyong ito ay isa lamang sa mas malawak at nakababahalang tunguhin ng pasismo—o dulong-Kanang atake ng estado—kung saan ang mga migrante sa ilalim ng administrasyong Trump ay itinuturing na kaaway,” ayon sa pinag-isang pahayag ng Migrante-USA at Bayan-USA.
Ayon sa isang pamangkin ni Dixon, ilang beses nang nag-renew ng “green card” si Dixon at ang pinakahuli dito ay noong 2022. Kaya naman labis ang kanilang pagtataka sa pag-aresto sa kanya.
Samantala, sinabi ng isa pa niyang pamangkin na lahat ng kanilang pamilyang lumipat sa US 50 taon na ang nakararaan ay naging mamamayan na ng naturang bansa sa pamamamagitan ng “naturalization.” Tanging si Dixon na lamang umano ang hindi nagsuko ng kanyang Filipino citizenship dahil sa pangako sa kanyang lolo na manatiling Pilipino upang maprotektahan din ang mga ari-arian ng kanilang pamilya sa Pilipinas.
Para sa Migrante at Bayan, malinaw na paglabag sa mga batayang karapatang-tao ni Dixon ang kawalan ng malinaw na paliwanag kung bakit siya ikinulong ng ICE. Nanawagan sila kay US Ambassador Jose Romualdez, Neil Ferrer at San Francisco Consulate na dapat na mabilis nilang tulungan, siguruhin ang due process at bigyan ng ligal na tulong si Dixon. Nakatakda ang pagdinig sa kaso ni Dixon sa darating na Hulyo.
“Dapat ipagpatuloy natin ang ating abdokasiya para sa isang mas maayos na sistema sa Pilipinas, at pakikibaka laban sa sistema mismong naglalagay sa atin sa mapanganib at gipit na kalagayan,” ayon sa kanila. Kailangan umanong magkaisa ng mga Pilipino at mga migrante sa US, anuman ang “istatus,” para panagutin si Pangulong Trump at magsalita laban sa kawalang pananagutan at mga pasistang paglusob sa ating migranteng komunidad.
Ang kampanyang panunugis ni Trump o “immigration crackdown,” ay sinasabing pagpapatupad sa Alien Enemies Act noon pang taong 1798 na naglalayong pahintulutan ang pangulong idetine o i-deport ang mga non-citizen na itinuturing na “kaaway” ng US. Tinatayang hindi bababa sa 33,000 na ang mga migranteng tinugis ng administrasyon sa loob lamang ng unang 50 araw sa poder ni Trump.