Balita

Patakarang “no full payment, no exams” sa isang pribadong kolehiyo sa Quezon City, ipinababasura

Nagprotesta ang mga estudyante ng Bestlink College of the Philippines (BCP) sa harap ng kampus nito sa Barangay Sta. Monica, Novaliches, Quezon City noong Disyembre 17 para ipabasura ang “no full payment, no full exams” nito. Sa pangunguna ng Anakbayan-Novaliches, naisagawa ang rali sa kabila ng pananakot na huwag makilahok at pagbabantay ng kapulisan at administrasyon sa labas ng kampus ng BCP.

Inirereklamo ng mga estudyante ang biglaang paglalabas kamakailan ng mga upisyal ng BCP ng mga anunsyong walang katiyakan ukol sa pagbabayad ng matrikula. Ayon sa Anakbayan-Novaliches, nagdulot ito ng kalituhan at presyur sa mga estudyante sa pagmamadaling makapagbayad para makakuha ng eksam.

“Malinaw na ang administrasyon ay hindi maka-estudyante at nagpapakita ng diskriminasyon,” pahayag ng grupo. Giit nila na pakinggan ang kanilang mga hinaing at kilalanin ang karapatan sa edukasyon, makapagbayad man o hindi. Dapat, anila, bigyang sapat na konsiderasyon at oras ang mga estudyante upang makapagbayad ng matrikula, lalo na ang mga kapos at walang kakayahang makapagbayad.

Nagpahayag na ng suporta sa laban ng mga estudyante ng BCP ang National Union of Students of the Philippines (NUSP), unyon ng mga konseho ng mag-aaral sa bansa. Malaon nang tinututulan ng NUSP ang mga patakarang katulad ng “no payment, no exam” dahil anila ay sagka ito sa karapatan ng kabataan para sa kalidad na edukasyon.

Matatandaan na naitulak ng Kabataan Party-list na maisabatas noong Marso ang Republic Act No. 11984, o ang “No Permit No Exam Prohibition Act” matapos ang ilang taon. Inaatasan ng batas ang lahat ng mga institusyon sa edukasyon, pampubliko man o pribado, na pahintulutan ang mga hindi pa nakababayad ng matrikula na mga estudyante na makakuha ng eksam kahit wala pang permit.

Gayunman, dati nang ipinahayag ni Kabataan Party-list Rep. Manuel dahil ang pagkadismaya sa pinirmahang bersyon ng batas dahil kailangan pang kumuha ang mga estudyante ng sertipikasyon sa Department of Social Welfare and Development para patunayan na hindi nila kayang magbayad bago ang panahon ng pagsusulit. Ibinaba rin ni Marcos Jr ang parusa sa mga paaralang lalabag sa batas.

AB: Patakarang “no full payment, no exams” sa isang pribadong kolehiyo sa Quezon City, ipinababasura