Pekeng pagpapasuko sa mga mangingisda sa La Union, kinundena

Kinundena ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang sapilitang pagpapasuko ng mga pulis sa apat nitong kasaping mangingisda sa Barangay San Manuel Norte, Agoo, La Union noong nakaraang linggo.

Sa ulat mismo ng Timek ken Namnaman dagiti Babassit a Mangngalap iti La Union (TIMEK La Union-Pamalakaya), inimbitahan ng isang nagpakilalang “Badjao” ang apat na residente ng Barangay San Miguel Norte para tumanggap ng ayuda. Sa presinto, ipinresenta sila ng pulis bilang mga “sumukong rebelde.”

“Ang modus operandi na ito’y talamak nang ginagawa ng PNP-La Union Police Provincial Office (LUPPO) sa mga nagdaang taon upang palabasin na ang mga karaniwang magsasaka at mangingisda sa probinsya ay mga kasapi ng New People’s Army (NPA),” paliwanag ng TIMEK La Union. Dagdag pa nila, ginagamit ng PNP-LUPPO ang mga relief operation bilang panlilinlang sa mga tao at pagkatapos ay pwersahang pagpapapirma sa kung anu-anong mga papeles.

Ayon sa pambansang upisina ng Pamalakaya, “ang pwersahan at pekeng pagpapasuko na taktika ay paraan ng panghaharas laban sa mga mangingisda para patahimikin sila at supilin ang kanilang lehitimong mga kahingian.”

Nilabag nito ang ika-4 na bahagi, Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin.” Taliwas din ito sa mga panuntunan ng internasyunal na makataong batas na nangangalaga sa kagalingan ng mga sibilyan sa gitna ng armadong tunggalian.

AB: Pekeng pagpapasuko sa mga mangingisda sa La Union, kinundena