Pinakamatandang bilanggong pulitikal, hindi isinali ng rehimen sa mga pinalaya noong kapaskuhan

Dismayado ang Kapatid, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal, sa hindi pagsasali sa 84-taong gulang na bilanggong pulitikal na si Gerardo Dela Peña sa listahan ng mga pinalaya noong kapaskuhan sa kabila ng kanyang katandaan at pagkakaroon ng sakit. Kaugnay ito ng ipinatupad na resolusyon ng Bureau of Pardons and Parole (BPP) na nagbibigay ng konsiderasyon para sa “executive clemency” para sa mga bilanggo na edad 70 pataas at nakulong na ng higit 10 taon.

Inilabas noong Disyembre 2023 ang BPP Resolution No. 08-02-2023 para umagapay sa pagpapaluwag ng mga piitan at magpapalaya sa matatandang bilanggo laluna ang mga maysakit at seryosong kapansanan. Ayon sa Kapatid, pasok sa kwalipikasyon ang 84-taong gulang na si Dela Peña na 11 taon na sa kulungan.

Giit ni Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, dapat tiyakin ang patas na implementasyon ng naturang resolusyon. “Wala sa panig ng isang 84-taong gulang ang panahon sa napakasisikip na kundisyon sa New Bilibid Prison,” ayon pa kay Lim.

Binatikos din ni Lim ang sinabi niyang magkakasalungat na pahayag ng mga upisyal ng guberyno. Aniya, ibinalita ng isang upisyal ng Department of Justice na nakinabang ang dalawang matanda sa naturang resolusyon, kabilang si Dela Peña. Ngunit nang bisitahin ng Kapatid noong Enero 15 sa piitan, ipinakita ni Dela Peña ang listahan ng BPP na tumangging bigyan siya ng executive clemency.

“Bakit siya hindi naisali sa higit 1,000 bilanggo na pinalaya noong Disyembre? Dahil ba isa siyang bilanggong pulitikal? O dahil isang numero lamang sa estadistika sa mabagal na usad ng burukrasya?” pagtatanong ni Lim. Giit niya na dapat ibigay sa lahat ng mga bilanggo ang ingklusibo at patas na hustisya anuman ang kanilang pampulitikang istatus.

Si Dela Peña ang pinakamatanda sa aabot 800 bilanggong pulitikal na nakakulong ngayon sa iba’t ibang piitan ng bansa. Simula pa 2019 itinutulak ng Kapatid ang pagpapalaya kay Dela Peña ngunit paulit-ulit itong isinantabi at binaliwala ng estado.

Si dela Peña, na may altapresyon at iba pang karamdaman, ay magsasakang tubong Vinzons, Camarines Norte na hinatulan ng reclusion perpetua sa gawa-gawang kasong pagpatay. Siya ay dating lider ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) at kasapi ng Karapatan.

Unang iniapela ng Kapatid ang pagpapalaya sa kanya sa makataong mga batayan noong 2019 ngunit tinanggihan ito ng Korte Suprema at pinagtibay ang hatol sa kanya.

AB: Pinakamatandang bilanggong pulitikal, hindi isinali ng rehimen sa mga pinalaya noong kapaskuhan