Pinay, nakalaya mula sa detensyon ng Immigration and Customs Enforcement sa US
Masayang sinalubong ng halos 100 Pilipino mula sa mga komunidad ng mga Pilipino at Tanggol Migrante Network (TMN) si “Michelle” (hindi tunay na pangalan) nang makalaya siya noong Abril 30 mula sa pagkakapiit sa Northwest Detention Center (NWDC), Tacoma, Washington, USA.
Sa desisyon ng korte, kinansela nito ang utos na ipadeport o palayasin sa bansa si Michelle.
“Maraming salamat sa inyong suporta. Hanggang sa huli, nandyan kayong lahat. Kahit wala ang pamilya ko rito, nandito kayong lahat at tinulungan niyo ako. Maraming salamat, makikita ko na rin ang anak ko,” pahayag ni Michelle sa Tanggol Migrante pagkalaya niya.
Si Michelle ay isang Pilipina na permanenteng naninirahan sa US. Inaresto siya noong Pebrero sa San Francisco International Airport ng mga elemento ng Immigration and Customs Enforcement (ICE), pag-uwi niya mula sa pagdalaw sa Pilipinas. Mula California ay nilipat sya NWDC.
Ayon kay Michelle, sa loob ng NWDC, pinapakain siya at kapwa detinido na parang “mga nakakulong na hayop,” katulad ng pagpapakain sa kanila ng hilaw na manok. Hindi sila makakain o makatulog ng maayos. Pinagkaitan sya ng kanyang gamot o akses sa doktor, sa kabila ng pagiging pre-diabetic nito at pagkakaroon ng maliit na tumor sa kanyang utak na nagdudulot ng matinding pananakit, pagkalagas ng buhok at mabilis na pagbawas ng timbang.
Maliban kay Michelle, may apat pang Pilipino ang naka detine sa NWDC, kabilang si Lewelyn Dixon, isang Pilipina na nagtatrabaho bilang Lab Technician sa University of Washington, at mahigit 50 taon nang permanenteng residente o greencard holder sa US.
Sa tulong ng TMN at iba pang myembro ng komunidad ng mga Pilipino, ay sinuportahan nila ang laban ni Michelle at iba pang nakadetine sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanila, pagpapadala ng sulat at pagkalap ng donasyon.
Nanawagan naman ang mga demokratikong organisasyon sa US ng kagyat na aksyon mula sa gubyerno ng Pilipinas. Anila, marapat magbigay ito ng sapat na suporta sa lahat ng migrante, kabilang ang nahaharap sa deportasyon, trafficking o pagnanakaw ng sahod. Nanawagan rin sila sa ambasador ng Pilipinas sa US na si Jose Romualdez na gawin ang kanyang trabaho o bumaba na lamang sa pwesto.
Noong Mayo 1, naglunsad ng protesta ang mga aktibista sa iba’t ibang panig ng America sa tinaguriang National Day of Action to Defend Migrants. Nagpadala sila ng bukas na liham kina Romualdez at Ferdinand Marcos Jr para igiit na dapat nilang suportahan ang mga nakakulong na Pilipino tulad ni Michelle, ipanawagan ang kanilang pagpapalaya at ibigay ang kailangang tulong sa iba pang mga migranteng Pilipino.
Mula nang maihalal muli si Donald Trump bilang presidente ng nitong Enero ay naglunsad na ito ng malawakang pag-atake, panunugis at sapilitang pagpapalayas o deportasyon sa mga manggagawang migrante sa US. Tinatayang hindi bababa sa 139,000 na ang mga migranteng tinugis ng administrasyon sa loob lamang ng 100 araw ng panunungkulan ni Trump.