Ika-5 SONA ni Marcos, pinugpog ng protesta
Libu-libo ang nagtipon sa Commonwealth Avenue noong Hulyo 27 para sa “SONA ng Bayan” at magprotesta sa ikalimang state of the nation address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. Nagsimulang magmartsa ang bulto na pinamumunuan ng Bagong Alyansang Makabayan, kasama ang mga alyado nitong organisasyon, mula sa Philcoa.
Lumahok sa pagkilos ang mga unyon ng mga manggagawa, maralitang lunsod, kabataan at iba pang sektor mula sa pambansang kabisera. Kalahok din sa rali ang mga raliyista mula sa Southern Tagalog na pinangunahan ng Bayan-Southern Tagalog. Bahagi nito ang daan-daang magsasaka at mangingisda mula sa Mindoro, Quezon at iba pang kalapit na prubinsya. Samantala, hinarang at tinangkang pauwiin ang mga raliyistang magsasaka at katutubo galing sa Central Luzon.
No to Pax Silica
Tampok sa rali ang effigy na tinawag na “The Puppet Master,” na nagpapakita kay Marcos bilang papet ng presidente ng US na si Donald Trump. Pagbatikos ito ng mamamayan sa pagiging sunud-sunuran ng rehimeng Marcos sa interes at estratehiyang militar ng US sa Asia. Partikular na binatikos ng Bayan ang pagtatayo ng US ng “Pax Silica hub” sa New Clark City sa Tarlac. Anito, labag sa soberanya, pinsala sa kapaligiran at magpapalayas sa mga magsasaka at katutubo ang pagbubukas ni Marcos sa bansa sa teknolohiya at produksyong militar at pagmimina ng mga kritikal na mineral. Pinabulaanan nito ang buladas ni Marcos na magdadala ang “hub” ng mga trabaho at industriyalisasyon.
Bago sumanib sa SONA ng Bayan, nagtungo sa Department of Agrarian Reform ang mga organisasyon ng mga magsasaka at katutubo na nagmula sa Central Luzon. Mariin nilang tinutulan ang pagtatayo ng Pax Silica hub sa kanilang bakuran, na magpapalayas sa kanila sa kanilang mga sakahan at aagaw ng mga rekursong tubig mula sa kanilang mga komunidad. Sumama sa pagkilos ang mga katutubong Aeta mula sa Capas, Tarlac na nakaambang muling agawan ng kanilang lupang ninuno.
Makinang na palabas
Binatikos ng Bayan ang SONA ni Marcos bilang isang “pinakinang na palabas” na malayo sa katotohanan ng mga pamilyang Pilipino. Ayon kay Mong Palatino, pangkalahatang kalihim ng grupo, walang saysay ang mga estadistikang ipinagmamalaki ni Marcos sa harap ng pagbagsak ng kabuhayan ng mamamayan at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kabilang sa pahirap ng rehimen ang tuluy-tuloy na pagtaas ng singil sa kuryente at presyo ng langis. Sa harap nito, muling nananawagan ang Bayan na ibasura ang Oil Deregulation Law at tanggalin ang 12% value-added tax sa batayang mga yutilidad at sa presyo ng petrolyo. Anito, hindi sapat ang patsi-patsing pagtatanggal ng singilin, tulad ng “system loss” sa bill ng kuryente. “Sobrang liit, sobrang nabalam,” ang tawag nila dito.
Nanawagan naman ang mga manggagawa at kawani ng makabuluhang pagtaas ng sahod at sweldo sa buong bansa at pagtatapos sa kontraktwalisasyon. Samantala, iginiit ng mga magsasaka at katutubo ang pagtigil sa malawakang pang-aaagaw ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo sa kanayunan para sa mga imprastruktura at proyektong ang mga kapitalistang dayuhan at burgesya lamang ang makikinabang.
Manipuladong estadistika
Suportado ng Ibon Foundation ang mga panawagan ng mga raliyista. Ayon sa Executive Director nito na si Sonny Africa, ang sinasabing pagpasok ng Pilipinas sa “Upper-Middle-Income Country (UMIC)” status ay isang “bula” na nagkukubli sa malalim na krisis. Humigit-kumulang 70 milyong Pilipino (62% ng populasyon) ang nabubuhay sa mas mababa sa P22,000 kada buwan. Ang kasalukuyang P512 na minimum na sahod, ay 39% lamang sa nakabubuhay na sahod na P1,301 noong Hunyo.
Binatikos din ng Ibon ang pagmamayabang ni Marcos kaugnay sa pag-unlad diumano ng ekonomya dulot ng paglago ng kalakalan, real estate at dayuhang direktang pamumuhunan. Anito, hungkag ang kaunlarang walang nalilikhang disenteng trabaho. Ayon sa grupo, dinuktor ang estadistika ng mga walang trabaho na inilagay sa 2.5 milyong Pilipino lamang. Mas malapit sa 4.5 milyon ang walang trabaho, anito. Ang malala, 78% ng mga manggagawang “may trabaho” ay nasa impormal na sektor, at walang tinatamasang seguridad sa trabaho at mga benepisyo.
Meralco sindikato
Isang kabalintunaan ang paglalarawan ni Marcos sa kanyang paghahari bilang “marangal, may malasakit at kabilang ang lahat,” ayon sa Bayan. Sa kabila ng mapayapang protesta, nagdala ng matinding tensyon ang pagtatalaga ng rehimen ng 20,000 pulis at 1,500 tauhan ng MMDA para gipitin ang mga raliyista.
Hindi pa man nagsisimula ang talumpati ni Marcos, dinagsa ng mga pulis ang rali para arestuhin ang 51 indibidwal, kabilang ang 13 menor de edad at tatlong paralegal. Kabilang ang mga inaresto sa grupong Vandals United at Defend the Hood sa una’y walang sinabing dahilan. Kinasuhan sila sa presinto ng bandalismo kaugnay sa pagsasagawa ng protest graffiti sa pader ng substation ng Meralco sa Commonwealth Avenue. Nakapinta sa pader ang malalaking letrang “Meralco Sindikato” bilang protesta sa walang awat at maanomalyang pagtaas ng singil ng higanteng kumpanya sa gitna ng paghihirap ng mga konsyumer nito.
Ang maramihang pag-aresto at binatikos ng Bayan at grupo sa karapatang-tao na Karapatan bilang “overkill” at bahagi ng sistematikong crackdown sa kabataang lumalaban.