Pinirmahang kasunduan ng UP at PNP, binatikos

,

Umalma ang mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP) sa kamakailang pinirmahang kasunduan ng tsanselor o punong upisyal ng UP-Diliman at ng Philippine National Police (PNP) noong Hunyo 19 kaugnay ng sinasabing kooperasyon ng dalawang institusyon. Ayon sa UP Office of the Student Regent (OSR), kinatawan ng mga mag-aaral sa buong UP System, nababahala sila sa kasunduang ito dahil naitala sa mga kampus ng UP ang paulit-ulit na panggigipit ng mga pulis sa mga mag-aaral at iba pang residente ng unibersidad.

“Nangangamba kami sa implikasyon ng partnership na ito sa aming kaligtasan at seguridad…, laluna sa naitalang mga kaso ng kanilang madugong pag-atake laban sa maraming mag-aaral ng UP,” ayon sa UP OSR.

Sa tala ng Defend UP Network (DUPN) noong 2022-2023, hindi bababa sa 59 ang kaso ng pagpasok ng mga ahente ng pulis sa loob ng kampus nang walang paalam, 11 insidente ng red-tagging, siyam na kaso ng intimidasyon at pananakot, walong insidente ng paniniktik, limang kaso ng iligal na pag-aresto at pagdukot, at dalawa pang kaso ng pag-atake sa mga taga-UP.

Pahihintulutan ng kasunduan ang diumano’y “palitan ng akademikong impormasyon, lektura, at mga simposyum para magsaliksik at magpaunlad ng teknolohiya para sa ahensya ng pulis.”

Ayon sa League of Filipino Students, magiging “lisensya ito ng AFP-PNP upang supilin ang demokratikong karapatan ng mga progresibong mag-aaral at kaguruan ng UP.”

AB: Pinirmahang kasunduan ng UP at PNP, binatikos