Pinsalang dulot ng reklamasyon, pinatunayan ng pag-aaral ng mga syentista
Ikinalugod ng Pamalakaya ang isinapubliko na inisyal na resulta ng pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagkumpirma sa matagal na nitong sinasabing epekto ng mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay.
Sa pag-aaral ng UP Marine Science Institute (MSI) na ikinumisyon ng DNER, sinabi nitong “irreversible” o di na maibabalik ang pinsalang idudulot ng dredging o paghuhukay ng buhangin sa Manila Bay.
“Matagal nang pinatutunayan ng mga mangingisda ang panganib na dulot ng reklamasyon sa kabuhayan at kalikasan,” ayon sa Pamalakaya. “Gayunpaman, ikinagagalak namin ang positibong resulta ng pag-aaral ng mga siyentista sa pangunguna ng UP-MSI.”
Sa inisyal na ulat na ibinahagi sa publiko, tinukoy ng mga syentista ang epekto ng napakaraming proyektong reklamasyon sa Manila Bay sa pagbaha sa Metro Manila. Anito, anumang pagbabago dito ay magdudulot ng epekto sa sirkulasyon ng tubig, hindi lamang sa Manila Bay kundi sa sistema ng drainage ng mga syudad na nakadikit dito.
Inamin mismo ng kalihim ng DENR na mahalagang usapin ang pagbaha, at na walang komprehensibong plano ang mga kumpanyang sangkot sa reklamasyon kaugnay dito. Wala ring plano ang mga ito kaugnay sa lilikhaing trapiko ng reklamasyon, ang pagkukunan nito ng tubig at kuryente, at sistema ng pagtatapon ng basura mula rito.
Inamin ng DENR ang “potensyal” na pinsala ng reklamasyon sa kabuhayan at pagpapalayas ng mga residente sa paligid ng Manila Bay.
Ngayon pa lamang, daan-daan mangigisda na ang bumagsak ang kabuhayan, ayon sa Pamalakaya.
“Sa Navotas, libu-libong ektarya na ng mga tahungan ang tinanggal para bigyang-daan ang proyektong reklamasyon. Marami nang mangingisda na umaasa rito ang nalugi at lubos na naghirap,” anito.
Hindi napigilan ng mga mangingisda na madismaya dahil kinakailangan pang mawalan ng kabuhayan ang maraming mangingisda at masira ang Manila Bay bago ilabas ng DENR ang pag-aaral.
Siningil ng mangingisda ang DENR sa pagbubulag-bulagan nito sa dati nang malalakas na batayan para agad na ipahinto ang mapaminsalang reklamasyon. Anila, malaki ang pananagutan ng kagawaran sa mga nasira nang kalikasan, yamang-dagat, komunidad, at kabuhayan ng mga mangingisda dulot ng reklamasyon at dredging.
Samantala, iginiit ng grupong Kalikasan ang kagyat na pagsasapubliko ng buong pag-aaral ng UP-MSI.
“Masasayang ang mahabang panahong iginugol ng mga siyentista kung hindi gagamitin ang resulta ng pag-aaral nila para tuluyang ipatigil ang mga mapanirang reklamasyon sa Manila Bay. Dapat agarang umaksyon ang DENR sa pamamagitan ng pagkansela sa lahat ng environmental permit sa mga nasabing proyekto,” ayon sa grupo.
Isinagawa ng mga mamamalakaya at tagapagtanggol ng kalikasan ang National Fisherfolk Summit Against Coastal Conversion and Reclamation ngayong araw, Pebrero 22, ang isang press conference sa UP-CSWCD para idiin ang kakagyatan ng pagtigil ng mabilisang ekspansyon ng malakihang kumbersyon ng mga komudinad sa baybay at pagsira sa mga produktibong pangisdaan sa Manila Bay at iba pang baybay kung saan may. proyektong reklamasyon.
Humarap sa naturang press conference si Salvador France, secretary general ng Pamalakaya, Romel Escarial ng Pamalakaya-Navotas at Mia Catenza ng Pamalalaya-Cavite. Naroon din si Jonila Castro ng Kalikasan.