Pinunong obispo ng CBCP, nagsagawa ng misa para sa mga bilanggong pulitikal sa Taguig City

Nagdaos ng isang misang Katoliko ang pinunong obispo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David para sa mga bilanggong pulitikal at mga nakapiit sa Metro Manila District Jail Annex 4 (MMDJ-4) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City noong Enero 16. Naisagawa ito sa imbitasyon at pag-aasikaso ng Kapatid, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal.

Si Bishop David ay kilala sa walang puknat na pagtatanggol sa karapatan ng mga biktima ng gera kontra droga ng dating rehimeng Duterte. Ang misa sa naturang piitan ay kauna-unahan sa kasaysayan na pinangunahan ng isang obispo.

“Labis ang saya namin na tinanggap niya ang aming imbitasyon para magbigay ng misa para sa aming intensyon na mabigyang atensyon ang kalagayan ng mga bilanggong pulitikal at ang aming apela na palayain ang matatanda at maysakit na mga bilanggo,” ayon kay Fides Lim, asawa ng bilanggong pulitikal na si Vicente Ladlad at tagapagsalita ng Kapatid. Pahayag ni Bishop David, hinihintay lamang umano niya na siya ay maimbitahan para makapagbigay ng misa.

Nakatuwang ni Bishop David sa pagdiriwang ng misa sina CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care Executive Secretary Rev. Fr. Nezelle O. Lirio at Rev. Fr. John Albert V. Absalon mula sa prison ministry ng CBCP at Diocese of Pasig.

Pagkatapos ng misa, nagkaroon ng maiksing programa kung saan nagsalita ang ilang bilanggong pulitikal. Ibinahagi ng konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Adelberto Silva ang kasalukuyang mahirap na kundisyon na kanilang dinaranas sa loob ng piitan.

Aniya, iniiinda nila ang masikip na mga kulungan, kakulangan sa pagkain at sapat na nutrisyon, kulang na atendsyong medikal, delikadong pag-padlock sa mga selda, at hindi pagdadala sa ospital sa may malulubhang sakit na nagdulot sa pagkamatay ng kapwa bilanggong pulitikal na si Eduardo Serrano sa parehong piitan noong 2016.

Ibinahagi naman ng konsultant ng NDFP na si Vicente Ladlad ang ilan sa dahilan ng kanilang hindi makatarungang pagkakapiit. Kabilang sa mga ito ang tinawag niyang gawa-gawang mga kasong isinasampa laban sa katulad nila, kriminalisasyon ng pampulitikang paninindigan, kakulangan ng mga abugado, at ang Anti-Terrorism Act na aniya ay kinakasangkapan ng gubyerno para arbitraryong i-freeze ang kanilang mga akawnt sa bangko at ari-arian.

“Isa itong pagkatuto sa akin na mayroong mga bilanggong pulitikal, at na marami ang katulad niyo sa kasalukuyan,” tugon ni Bishop David. Aniya, alam niya ang pakiramdam ng masampahan ng patung-patong na mga kaso dahil sa kanyang karanasan sa ilalim ng administrasyong Duterte. Sinampahan si Bishop David, kasama ang apat pang obispo at si dating bise presidente Leni Robredo, noon ng mga kasong sedisyon, estafa at libel dahil sa pagtatanggol at pagpanig sa mga biktima ng gera kontra droga.

Hinimok ng obispo ang Kapatid na ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan at tulungan nito sa Episcopal Commission ng CBCP sa Prison Pastoral Care.

Bilang pasasalamat, nagbigay ang grupo at ang mga bilanggong pulitikal kay Bishop David ng isang wood burned artwork ng Madonna and Child na likha ng bilanggong pulitikal na si Sherniel Ascarragas. Nakaukit sa likha ang mga salitang “Magtanim ng pagmamahal sa Inang Bayan at magbunga ng kapayapaan.”

Nagsama-sama sa misa at programa ang mga bilanggong pulitikal, mga kaibigan at kaanak nila, ilang mga opisyal ng piitan, gayundin ang mga kinatawan mula sa prison ministry ng CBCP, ilang mga tagasuporta kabilang sina Princess Nemenzo, Teresita Ang See, Wilson Flores, Barbara Mae Dacanay, at mga madre ng Good Shepherd sa pangunguna ni Sr. Aida Casambre, nakatatandang kapatid ng bilanggong pulitikal na si Rey Casambre.

Ang MMDJ-4 ay itinuturing na “showcase” prison for “high-profile” male detainees kung saan aabot sa 348 ang mga nakapiit na Persons Deprived of Liberty dito kabilang na ang 26 mga bilanggong pulitikal.

AB: Pinunong obispo ng CBCP, nagsagawa ng misa para sa mga bilanggong pulitikal sa Taguig City