Planong bike lane sa isang bayan sa Sorsogon, panabing sa pagpapatuloy ng coastal road project
Nakatakdang ituloy ng munisipyo ng Gubat ang napigilan na planong Coastal Road gamit ang panukalang “Bike Lane” sa barangay Buenavista, Gubat. Sa bagong panukala na nilagdaan sa municipal development council noong Setyembre 22 2023, ₱10 milyon ang inilaan para sa bike lane na may lapad na 6.70 metro o katumbas ng karaniwang lapad ng national road at may haba ng 0.4550 kilometro sa naturang barangay. Ang pagtawag nitong “bike lane” ay isang panlilinlang upang isipin na maliit na espasyo lamang sa tabing-dagat ang tatamaan.
Napag-alaman lamang mg mga taumbaryo ang naturang proyekto nang magpatawag ng pulong ang LGU ng Gubat at kinatawan ng DPWH noong Pebrero 12, 2024 sa mga piling residente na hindi myembro ng Save Gubat Bay Movement.
Matatandaang napigilan ng mga mamamayan ng Gubat at ng grupong Save Gubat Bay Movement ang konstruksyon ng Coastal Road na syang sisira sa baybayin at mga bakawan sa mga barangay ng Balud, Cota na Dako, Buenavista, Cogon, Pinontingan, Panganiban at Rizal noong 2022 dahil sa kawalan ng pampublikong konsultasyon at mga seritipikasyon alinsunod sa batas.
Naninindigan naman ang Save Gubat Bay Movement na ipagpapatuloy ang laban sa pagpapatigil sa proyekto. Hinihikayat din nila ang mga mangingisda at residente ng Buenavista na magkaisa upang maprotektahan ang Gubat Bay at kanilang kabuhayan.