Balita

Planong intel network ng 303rd IBde sa Northern Negros, kinundena

Tinuligsa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Negros at Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang plano ng 303rd IBde na magtayo ng intelligence network (lambat ng paniktik) sa mga syudad at bayan sa Northern Negros. Inianunsyo ng militar ang plano noong nakaraang linggo.

Ayon sa Bayan-Negros, ang plano ng 303rd IBde ay walang iba kundi terorismo ng estado na nagtatago sa likod ng “pagtatanggol sa komunidad.” Anang grupo, ginagamit na dahilan ng militar ang “pagbabantay” sa rebolusynaryong kilusan para hayagang ilatag ang pinatinding pagmamanman, panghaharas at militarisasyon sa mga komunidad sa kanayunan.

Sa pahayag ng 303rd IBde, sinabi nitong nakikipagtulungan ang militar sa mga lokal na gubyerno sa Northern Negros mula sa antas ng mga meyor hanggang kapitan ng barangay para sa pagtatayo ng intel network. Ilan sa mga tinukoy nitong bayan at syudad na tututukan ng plano ay ang Calatrava, Toboso, Escalante City at Cadiz City.

Dagdag pa ng Bayan-Negros, ang plano ng militar ay malinaw na karugtong ng modus nito ng arbitraryong pagbabansag sa mga magsasaka, manggagawa, at mga organisador bilang “tira-tirang myembro ng hukbong bayan” para bigyang katwiran ang pag-atake sa kanila at kanilang kabuhayan.

Ayon sa grupo, habang mapanganib ay katawa-tawa ang plano ng 303rd IBde laluna at ipinailalim na nito noong nakaraang taon sa kategoryang Stable Internal Peace and Security (SIPS) ang buong isla ng Negros. Sa kanyang ika-4 na SONA, idineklara rin ng rehimeng Marcos na “wala nang grupong gerilya” sa bansa.

“Kung sinasabing durog na ang lahat ng mga larangang gerilya, bakit biglang nagkukumahog para bumuo ng isang intel network?” tanong ng Bayan-Negros. Anito, tila naghahanap pa ng mga multo ng idineklara nilang ubos nang mga Pulang mandirigma ang 303rd IBde.

Malinaw sa Bayan-Negros at HRAN na target ng planong intel network ang mga organisasyong masa at mga pakikibakang bayan. Anang Bayan-Negros, ang mga network na ito na ipinupwesto sa mga sityo at barangay ay nagbibigay daan para sa panunugis, pwersahang pagpapasuko, at iba pang mga pag-abuso sa karapatang-tao.

Ayon sa HRAN, tila katulad ito ng kinasusuklamang “Alsa Masa” noong dekada 1980 na naging instrumento ng maramihang pagpaslang sa Negros. “Ang mga intelligence network na ito ay posibleng armasan at magsisilbing mga death squad na tatarget sa mga lokal na lider ng mga aktibistang organisasyon,” anang HRAN.

Bago pa ang pagbubuo ng intelligence network, ipinatutupad na ng Armed Forces of the Philippines sa erya ng mga yunit nito ang Integrated Territorial Defense System (ITDS) na nagsasanay sa mga Barangay Peacekeeping Action Teams (BPAT) para sa kontra-insurhensya. Kaugnay ito ng pagpapakat ng mga Mobile Community Support and Sustainment Program (MCSSP) ng militar at pulis sa mga barangay.

Naniniwala ang Bayan-Negros na bahagi ang mga ito ng pangkabuuang plano ng rehimeng Marcos na National Action Plan on Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) na ipinatutupad at pinangungunahan ngayon ng National Task Force-Elcac. Nakabalangkas ito sa “whole of nation approach” na nagmula sa kampanyang kontra-insurhensya ng imperyalistang US.

Nanawagan ang dalawang grupo sa mamamayan ng Northern Negros na maging mapagbantay sa pag-atake ng militar. Hinikayat rin nila ang masang Negrosanon na itulak ang kanilang mga lokal na upisyal na labanan ang panggigipit at pagkontrol sa kanila ng 303rd IBde.

AB: Planong intel network ng 303rd IBde sa Northern Negros, kinundena