Balita

Planong paglibing kay Enrile sa LNMB, tinutulan

,

Tinutulan ng puu-puong mga organisasyon at indibidwal, kabilang ang mga nakaligtas sa batas militar, ang nababalitang balak na paglibing sa labi ni Juan Ponce Enrile sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Nobyembre 22.

Sa isang pinirmahang pahayag noong Nobyembre 20, idineklara ng mga grupo na hindi bayani si Enrile, at na dapat alalahanin ang kanyang mga kasalanan.

“Hindi ordinaryong teknokrata o pulitiko si Enrile,” ayon sa pahayag. “Di masukat ang pinsalang idinulot ng kanyang mga kasalanan sa bansang Pilipino at pamana ng kawalang pakundangan sa nakaparami nating mga kababayan.”

Si Enrile ang kinikilalang arkitekto ng batas militar ng rehimen ni Ferdinand Marcos Sr. Isa siya sa tinagurang “Rolex 12” na kasamang bumuo ng Proclamation 1081.

Sa ilalim ng batas militar, napakarami niyang isinagawang masaker. Isa dito ang brutal na pagpatay sa 45 residente sa Barangay Sag-od, Las Navas, Northern Samar noong Setyembre 15, 1981.

Kinalbo niya at kanyang mga kumpanya sa pagtotroso ang malalawak na kagubatan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kasabwat siya ng kroni ni Marcos Sr na si Eduardo Cojuangco sa pagnanakaw ng bilyun-bilyon sa kaban ng bayan.

Malaki ang papel niya sa pandaraya sa eleksyon noong 1986 na naging mitsa sa pag-aalsang EDSA. Bumaligtad siya at kanyang hepe noon na si Fidel Ramos nang makitang di na mapipigilan ang pagpapatalsik ng diktador na 14 taon niyang pinagsilbihan. Sa kabila nito, paulit-ulit iyang tinangkang pataubin ang nakatayong sibilyan na gubyerno ni Corazon Aquino.

Nang siya ay maging senador, nahatulan siyang nangulimbat ng milyun-milyong piso sa kaban ng bayan.

“Ang paglilibing kay Enrile sa LMNB…ay nagpapahiwatig na ang mga kurakot at makapangyarihan ay ligtas sa kaparusahan,” ayon sa pinirmahang pahayag. “(At) na ang pagpatay at korapsyon ay matatawag na kabayanihan, habang napakarami sa kanilang mga biktima ay nagdurusa sa hirap at inhustisya.”

Tinawag sa pahayag ang pakana bilang “nagpapatuloy na akto ng impunity.”

“Si Enrile ay hindi bayani. Hindi siya kailanman magiging bayani,” anito.

Kabilang sa mga pumirma sa pahayag ang Project Gunita, Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law, Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto, Karapatan, Bayan, Partido Manggagawa, Tanggol Kasaysayan at Tindig Pilipinas.

AB: Planong paglibing kay Enrile sa LNMB, tinutulan