Balita

Planong pribatisasyon ng pampublikong palengke sa Baguio City, napigilan ng mamamayan

,

Matagumpay na napigilan ng mamamayan at mga organisasyon na sumusuporta sa kanilang laban ang planong pribatisasyon at “mallification” ng pampublikong palengke sa Baguio City.

Noong Enero 3, inanunsyo ng Baguio City Public Information Office na nagpadala ang SM Prime Holding Inc. (SMPHI) ng sulat ang upisina ni Benjamin Magalong, meyor ng syudad, na iniaatras na nito ang plano para sa pagpapaunlad ng palengke.

Nakatakdang pagbotohan ng konseho ng syudad sa Enero 9 kung tatangapin o ibabasura ang panukalang plano ng SM.

Ayon sa Save Baguio Market Movement, ang pag-atras na ito ay makasaysayang tagumpay ng mamamayan ng Baguio. Nagawa ito sa pamamagitan ng pag-oorganisa, kolektibong pananaliksik at talakayan, pagpapahayag ng pagtutol, pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at pagtangan ng mataas na pamantayan sa mga halal na upisyal. Kapag nagkakaisa at tumitindig ng sama-sama, kayang harapin kahit ang mga higante, at ito ang ginawa ng mamamayan ng Baguio.

Nananawagan din ang grupo sa mga konsehal ng syudad na pormal na tanggapin ang pag-atras ng SMPHI o ibasura ang panukalang plano bago ang Enero 9. Anito, maari pa ring makalusot ang proyekto kapag walang inilabas na desisyon ang konseho. Nananawagan din ang grupo na ibasura ang City Resolution 399 ng 2020 na nagtakda sa Public-Private Partnership bilang paraan ng pagpapaunlad sa pampublikong palengke.

Nanawagan ang Tongtongan Ti Umili na manatiling alerto sa anumang pagbabago. “Bagamat nagdiriwang tayo sa tagumpay na ito, nananatili kaming mapagmatyag. Tiyak na may magtatangka na baguhin ang naratibo, ilihis ang responsibilidad, o buhayin ang parehong plano ngunit iba ang pangalan. Patuloy kaming mananawagan sa pagpapanagot sa lokal na gubyerno at igigiit na ang pampublikong palengke ay dapat paunlarin ng mga mamamayan na siyang dahilan bakit ito nilikha,” ayon sa grupo.

Dagdag ng grupo, ang kailangan ng Baguio ay pag-unlad na inuuna ang kapakanan ng mamamayan, mula sa pampublikong pondo, malinaw at may pananagutan, at hindi nakaasa sa mga korporasyon na taliwas sa serbisyong pampubliko.

AB: Planong pribatisasyon ng pampublikong palengke sa Baguio City, napigilan ng mamamayan