Balita

Promosyon ng mga heneral, ipinagpipilitan sa gitna ng umpugan sa Senado

Sa gitna ng matinding gitgitan ng mga pangkatin ng naghaharing uri sa Senado, balisang-balisa si Defense Sec. Gilberto Teodoro sa naaantalang promosyon ng kanyang mga heneral. Dahil sa pagboykot sa sesyon ng pangkating pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano noong Hunyo 1, natigil ang lahat ng mahahalagang gawain ng Senado. Kabilang dito ang pagbuo ng Commission on Appointments na dapat tatalakay sa naturang mga promosyon.

“Hindi kagulat-gulat na sa gitna ng maraming mahahalagang usapin ng bayan, tulad ng pagkaantala ng pagpapanagot kay Sara Duterte at mga korap na upisyal, pangunahing pinagkakaabalahan ni Teodoro ang promosyon at pagreretiro ng bundat at pasistang mga heneral,” ayon kay Marco L. Valbuena, pinunong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Hinahabol ni Teodoro na mabilis na pagpwesto ng bagong mga heneral sa mga kumand na itinayo alinsunod sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC), planong pandepensa na karugtong ng estratehikong plano ng US sa Indo-Pacific. Kung sakaling mapaso ang pagtatalaga sa kanila, obligadong ulitin ang proseso ng pagsusumite ng kanilang mga pangalan sa pangulo, pag-nominate sa kanila ni Ferdinand Marcos Jr at muling pag-iiskedyul sa Senado. Para iwasan ito, nagpakana na si Marcos, sa tulak ni Teodoro, ng espesyal na sesyon ng Senado.

Ayon sa mga ulat, humahawak ang limang nakatakdang i-promote na heneral ng matataas na pusisyon sa binuo ni Teodoro na espesyalisadong mga yunit tulad ng Cyber Command at Joint Integrative Forces. Sinasabing isa sa kanila ay nakatakdang magretiro. Kung di makumpirma ang kanyang promosyon, gagamitin ang kanyang mas mababang ranggo para sa pagtatakda ng kanyang pensyon at benepisyo.

Tumatabo mula ₱91,000 kada buwan ang pinakamababa (1-Star) hanggang ₱150,000-₱180,000+ kada buwan (4-Star) ang pinakamataas na pensyon ng mga heneral ng AFP. Wala pa rito ang dagdag na mga alawans at maanomalyang “pabaon” na ibinibigay sa pinapaburang mga heneral.

Dahil sa nakaraang dobleng-taas ng sahod sa militar at uniformed personnel, awtomatikong tumaas din ang pensyon ng kanilang mga retirado. Ito ay sa kabila nang wala naman silang iniaambag ni isang sentimo sa pondo sa pensyon. Hindi sila katulad ng ibang kawani ng gubyerno na awtomatikong kinakaltasan ng pensyon ang buwanang sweldo.

AB: Promosyon ng mga heneral, ipinagpipilitan sa gitna ng umpugan sa Senado