Propesor ng UP Diliman, di makatarungang inaresto

,

Inaresto ng mga pulis ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Prof. Melania Flores, propesor ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, kaninang umaga sa kanyang bahay sa loob ng kampus ng UP Diliman sa Quezon City. Sinampahan siya ng kasong “paglabag sa Social Security Law” dahil umano sa hindi niya pagremit ng kontribusyon sa Social Security System para sa kanyang kasambahay.

Pumasok ang mga ahente ng CIDG sa loob ng kampus nang walang koordinasyon sa mga awtoridad ng unibersidad. Labag ito sa UP-DND Accord, kasunduang nagbabawal sa presensya ng armadong pwersa ng estado sa mga kampus ng UP nang hindi pinahihintulutan ng administrasyon ng unibersidad. Tusong nagpanggap na mga ahente ng Department of Social Welfare and Development ang mga pulis para ihain ng mandamyento de aresto at diretsong arestuhin si Prof. Flores.

Si Prof. Flores ay dating pambansang tagapangulo ng All UP Academic Employees Union na nagtataguyod sa kagalingan ng mga guro at akademiko sa buong UP System. Siya ay guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) sa unibersidad.

Ang mandamyento de aresto na inihain kay Prof. Flores ay inilabas noon pang Setyembre 6, 2022 ni Judge Hon. Maria Gilda Loja-Pangilinan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 230. Giit ng mga grupo, nilabag ang karapatan ni Flores sa tamang proseso matapos hindi man lamang makatanggap ng anumang notice o subpoena sa nagdaang mga buwan.

Tinuligsa ng All UP Academic Employees Union, Alliance of Concerned Teachers (ACT) at DFPP ang labag sa prosesong pag-aresto ng pulis kay Prof. Flores. Giit nila na kagyat siyang palayin at ibasura ang kasong isinampa sa kanya.

Ayon sa ACT, ang pag-arestong ito ay karugtong lamang ng mahabang rekord ng lansakang pag-atake ng mga pwersa ng estado laban sa mga guro at unyonista sa nagdaang mga taon.

Panasamantalang nakalaya si Prof. Flores kaninang hapon matapos magpyansa.

AB: Propesor ng UP Diliman, di makatarungang inaresto