Protesta kontra mataas na presyo ng bigas, isinagawa sa palengke sa Quezon City

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naglunsad ng protesta sa Litex Public Market sa Quezon City ang grupo ng mga magsasaka at maralitang lunsod noong Hunyo 18 para batikusin ang napakataas na presyo ng bigas at iba pang mga batayang pangangailangan ng mamamayan. Isinagawa ang pagkilos bilang paghahanda sa paparating na ika-3 taon sa poder ni Ferdinand Marcos Jr. Lumahok dito ang Amihan National Federation of Peasant Women, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Bantay Bigas at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Ayon sa Kadamay, napakalayo ng karaniwang P55-P60 kada kilong presyo ng bigas sa merkado sa pangako ng rehimen na P20 kada kilo ng bigas. Walang awat ang pagtaas ng presyo, sa kabila ng todo-todong liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas, na sinasabi ng rehimen na magpapababa ng presyo.

Sa ilalim ng Rice Liberalization Law at iba pang neoliberal na mga patakaran, bumuhos sa bansa ang 3.2 milyong metriko toneladang imported na bigas noong 2023. Katumbas ito ng 4.9 milyong metriko toneladang palay na malaking kita sana para sa lokal na mga magsasaka kung dito binili.

“Kung sinuportahan ng gubyerno ang mga magsasaka at pinalakas ang lokal na produksyon, lumikha pa sana ito ng bilyun-bilyong pisong halaga na mapapakinabangan ng mga magsasaka at mga maralita sa kanayunan. Sa ngayon, niratsada pa ang taripa ng imported na bigas na mas lalong papatay sa lokal na industriya,” pahayag ni Zen Soriano, tagapangulo ng Amihan.

Ngayong taon, inaasahang bubuhos ang aabot sa 4.6 milyong metriko tonelada ng imported na bigas sa bansa.

“Dahil tuta ng imperyalismo si Marcos, mas pinili niyang magtambak ng imported na bigas sa bansa, pabagsakin ang kabuhayan ng mga magsasaka, at ang self-sufficiency at food security ng sambayanang Pilipino,” dagdag ni Soriano.

Giit nila, sa pagpapatupad lamang ng tunay na reporma sa lupa, pagbibigay ng makatarungang subsidyo sa produksyon at sapat na mga pasilidad para sa mga magsasaka makakamit ang seguridad sa pagkain ng Pilipinas.

AB: Protesta kontra mataas na presyo ng bigas, isinagawa sa palengke sa Quezon City